Monday, May 9, 2011

Hanging Naglilibot

Sa gitna ng gabi, ako ay nagising
Sa tunog ng yero na kumakalansing
Ang mga bubungan ay pilit kinakalog
Ng hanging naglilibot mukhang ayaw magpatulog

O bakit ba naman ganito ang panahon?
Sa gitna ng tag-araw ay may malakas na ambon
Isang grupo ng mga ulap na tila naliligaw
Dito pa nagpapalipas ng gabi't, sumisigaw.

Ayokong lumabas 'pagka't baka may tangay-tangay
Ang hanging malakas baka may yerong sumasakay
At ako'y madisgrasya sa aking paglalakbay
Dito na lang ako sa loob ng aming munting bahay.

Maghihintay mapagod ang hanging naglilibot
Magbibilang ng butiki upang hindi mayamot
Habang tinatakpan ng makapal kong kumot
Huwag sana akong kagatin ng maliliit na surot.

Ang aking sikmura'y biglang kumalam
Ngunit kanin lang ang meron sa kusina't walang ulam
Lintik na sikmura, nais pa 'kong palabasin
Ang hanging naglilibot nais yatang kumustahin.

Ako ay nagpasyang lumabas ng tahanan
'Pagka't aking sikmura'y malungkot, walang laman
Sa aking paglabas nariyan ang naglilibot na hangin
Isang malamig na pagsalubong ang ibinigay niya sa akin.

Ako ay nagtungo sa malapit na tindahan
Isang kainan na nakabukas magdamagan
At ako'y kumain ng masarap na pagkain
Tiyak tuwang-tuwa ang tiyan kong gutumin.

Ako ay inihatid ng naglilibot na hangin.
Busog akong nakauwi patungo sa bahay namin.
Mabuti na lang at walang tangay-tangay
Ang hanging malakas walang yerong pinasakay.

At nagpatuloy sa pag-iikot ang hanging naglilibot
Akin nang binalikan ang makapal kong kumot
Makapagpahinga na muna at nang bumaba
Ang kinain kong pagkain ay matunaw sa sikmura.

Ang hanging naglilibot ay patuloy sa pag-iikot
Patuloy sa paglalakbay nang hindi nayayamot
Sa aking paghimlay ay akin ding napansin
Mayroon palang dahilan ang paglilibot ng hangin.

Naglalakbay, umiikot, sa bintana lumulusot
Ipinadarama ang lamig ng hanging naglilibot
Hindi kayang tapatan ng iyong unan at kumot
'Pagka't lamig ng hangin, sadyang nanunuot.

Hanging malamig ang pangunahing sangkap
Sa mahimbing na tulog at sa masarap na yakap
At kung naiinitan ay huwag nang paghintayin
Hanging kumakatok ay iyo nang papasukin.

O kay sarap talagang mahimlay ng ganito
Kung hanging naglilibot ang magpapatulog sa iyo
Sige lang yakapin mo ang iyong unan at kumot
'Pagkat hanging nag-iikot ay hindi mapag-imbot.

Hanging naglilibot ako sana'y patawarin
Kung kanina ako'y galit, ako'y bigyang paumanhin
Ako na'y mahihimbing mula sa aking pag-gising
Maraming salamat sa iyong pagdating.

Nais ko sanang sumama sa iyong paglalakbay
Dalhin mo ang aking isip, sa iyo ay isakay
Sa himpapawid ang isip ko'y maglalakbay
Habang katawan ko'y payapang nahihimlay.

Hanging naglilibot, ikaw ang nagbibigay
Ng mapayapang gabing sa aming minsa'y nawawalay
Ang tula kong ito sana'y iyong tanggapin
Mag-ingat sa paglalakbay, kaibigan kong hangin.

4 (mga) komento:

Unknown said...

ayos jay , galing .. inantok tuloy aku ahaha .. nice one!

W said...

Hehe, salamat!

W said...

Si bebeng pala ang nagdala ng hanging naglilibot, na nag-iwan ng dalawampung patay dito sa pilipinas.

ira said...

makata k pla jay nice ang galing mo pre!

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger