Saturday, May 7, 2011

Sa Harap ng mga Patay-Sinding Ilaw

Sa Harap ng mga Patay-Sinding Ilaw

Ang mga kamay ng orasan ay nakatutok na naman
Sa buwang nagniningning doon sa kalangitan
Habang ang hangin, unti-unting lumalamig
Sa paglalim ng gabi, simula pa lang ng kasiyahan.

Tumingin ka sa labas at makikita mo
Ang mga taong papalapit, papunta sa lugar na ito
Mag-iinom, magsasayaw, magdidiwang at magsasaya
Maglalaklak hanggang sa magsuka, bukas wala ka nang pera.

Bago ka makapasok, ika'y kakapkapan
Ng guwardiyang nakabantay na hangad ay kaayusan
Ang laman ng iyong bag ay kanyang titingnan
Baka may patalim, maaari bang malaman?

Pagtapos kapkapan kung may patalim
Ikaw ay gagabayan 'pagka't medyo madilim
Papunta sa mesang nais mong puwestuhan
Oras na upang pumili ng nais mong lantakan.

Sa kapirasong papel na pinatigas ng plastik
Ay pilian ng mga pagkaing sa kolesterol ay hitik
Nariyan din ang mga inuming sa iyo'y lalasing
Tingnan muna ang pitaka bago ka humiling.

Ilang sandali lang, iyan na't paparating
Inumin at pulutan na iyong hiniling
Kung may kailangan pa'y huwag mahiyang magsabi
Pagka't mga nakatayong nakaputi ay handang magsilbi

Iyong pagmasdan ang mga patay-sinding ilaw
Walang ibang inaakit kundi ikaw at ikaw
At iyong pakinggan ang tugtog na umaalingawngaw
Ilang dagundong pa ba'ng kailangan upang ikaw ay sumayaw?

Ayan na nga't ikaw ay napatayo
Sa dagundong ng tugtog ikaw ay napabayo
Sabayan mo na ang mga taong umiindak
Iwanan muna sandali ang boteng nilalaklak

Patungo sa gitna, kasabay ng marami
Ikaw ay sumasayaw at wala kang paki
Kung ano mang sayaw ang dikta ng iyong katawan
Ang mahalaga'y dama mo ang alingawngaw ng kapaligiran.

Habang sumasayaw ay iyong nalilimutan
Mga problema mo, sa labas iyong iniwanan
Sa harap ng mga patay-sinding ilaw ikaw ay masaya
Nagsasayaw kasama ang mga hindi mo kilala.

Ngunit tadhana nga nama'y sadyang malupit
Problema mong tinatakasan ay pilit kumakapit
Sa pagpasok mo pala'y meron sa'yong nakakita
Isang testigo sa ginawa mong trahedya.

Kanyang nakita ang ginawa mo sa dilim
Doon sa iskinita nang magtatakip-silim
Saksi sa inyong hindi pagkaka-unawaan
Na humantong sa isang madugong bakbakan.

Ilang suntok at ilang tadyak ang inabot nya sa iyo
At umpog sa pader na sa kanya ay humilo
Duguan na't baldado ngunit 'di ka pa kuntento
Sa galit mo ay pinaghahampas mo pa ng tubo.

Sa iskinitang iyon ay may napupunding ilaw
Patay-sindi tulad din doon sa may mga nagsasayaw
Doon mo iniwan ang kawawang walang malay
Sa harap ng patay-sinding ilaw, siya'y binawian ng buhay.

At ngayong gabing ito, iyo nang malalaman
Ang paghahatol sa ginawa mong kalokohan
Dali-daling nagsumbong ang testigo sa nangyari
Kapatid pala ng parak and tao mong dinali.

Habang nagsasayaw sa gitna ng marami
Ay dumating ang parak na kapatid ng dinali
May galit sa mukha at may baril sa kamay
Mukhang nais kang pagbayarin sa kinuha mong buhay.

'Di na napigilan ng guwardiyang nakabantay
Ang pagpasok ng parak na tila may sungay
Ikaw ay tinanaw-tanaw sa loob ng sayawan
nang makita ka ay bigla kang tinutukan.

Ang bibig ng baril , sa batok iyong naramdaman
Tumigil ka sa pagsayaw at tiningnan ang likuran
Nakita mo ang mukha ng parak na may galit
Kahawig ng taong inihatid mo sa langit.

Bigla kang nanlamig at bigla kang namutla
Kitang-kita ang matinding takot sa iyong mukha
Katapusan mo na, iyan ang tangi mong naisip
Pagpapatawad ng parak ay hindi mo na masilip.

Isang putok ng baril ang huli mong narinig
Ni hindi mo na namalayan, paglagapak mo sa sahig
Nagtakbuhan papalabas ang mga nagsasaya
Sa harap ng mga patay-sinding ilaw kayo lang ang natira.

At unti-unting napanatag ang parak na may galit
Dahil hustisya ng ng kapatid ay kanya nang nakamit
Maya-maya pa'y ang parak ay lumisan
Magaan ang loob na dumiretso sa tahanan.

Sa harap ng patay-sinding ilaw, ikaw ay iniwanan
Tulad ng ginawa mo sa taong iyong napag-initan
Huli na ang lahat upang ito'y pagsisihan
'Pagkat sa harap ng mga patay-sinding ilaw, problema'y di matatakasan.

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger