Sa Tuwing... Naaalala Ko Ang Mga Araw...
Sa tuwing madaraan ako sa mga lugar na dati'y madalas kong madaanan, naaalala ko ang mga araw na parang wala nang bukas na darating, pero patuloy pa rin ang pagdaan ng mga araw.
Sa tuwing masasakay ako ng dyip na tayuman, naaalala ko ang mga araw na hindi ako nagbabayad sa drayber, pero nauubos at nauubos pa rin ang baon ko kahit na nakatitipid ako sa hindi pagbabayad.
Sa tuwing kumakain ako ng kendi, naaalala ko ang mga araw na hinahati ko pa sa dalawa ang isang maliit na chewing gum upang makatipid. Kalahati sa umaga, kalahati sa hapon.
Sa tuwing ako ay mapapakain sa canteen o karinderya, naaalala ko ang mga araw na tanging kanin lang ang binibili ko sa canteen at mag-uulam ng toyo at iyon ang aking tanghalian, kahit na may pera akong sapat para bumili ng ulam.
Sa tuwing makakakita ako ng mga taong nakakumpol at nagpapatugtog, naaalala ko ang mga araw na pinagsasaluhan namin ng aking mga kaibigan ang tugtog na nanggagaling sa aking tape recorder na may speaker kahit garalgal ang tunog, at magpapalipas ng oras sa loob ng silid-aralan habang wala pang guro.
Sa tuwing ako ay lumalabas ng pamantasan kapag bakante ang oras at walang gagawin, naaalala ko ang mga araw na kami ay nakakulong lamang sa isang malaking kwadranggel ng aming paaralan at patagong naglalaro ng baraha, gumagawa ng takdang-aralin at ginagamit ng maayos ang bakanteng oras.
Sa tuwing matatapos ang klase sa silid at pumapasok ang janitor para maglinis, naaalala ko ang mga araw na bawat klaseng matatapos ay may grupong naka-toka upang maglinis ng silid, suot-suot ang isang pares ng shoe rag na pinupulot lamang mula sa mga taong nakaiiwan o nakawawala nito.
Sa tuwing nakakikita ako ng mga nagkaklase sa aircon na silid, naaalala ko ang mga araw na nagtitiis kami sa init ng araw habang kami ay nagkaklase.
Sa tuwing nakakikita ako ng mga estudyanteng sinisita sa entrance kapag walang ID, naaalala ko ang mga araw na pumapasok akong suot ang aking pekeng ID sa aming paaralan at malayang nakagagalaw.
Sa tuwing magtetest at kailangan ng yellow pad, naaalala ko ang mga araw na kanya-kanyang diskarte ang ginagawa para magkaroon ng intermidiate pad. Kahit recycled ok lang, basta makapagtest. Hingi dito, hingi doon. Minsan kusa na lang dumarating.
Sa tuwing papasok ako ng maaga ngayon, naaalala ko ang mga araw na nakikipaghabulan ako sa oras para umabot sa flag ceremony at makapasok sa unang subject. At kung masarhan ng gate ay pupunta sa kompyuteran para lang mag-friendster at youtube.
Sa tuwing nakikita ko ang aking bunsong kapatid n nagdodrowing, naaalala ko ang mga araw na lumilikha ako ng komiks na tungkol sa aming magkakaibigan na hinaluan ng iba't ibang klase ng imahinasyon at kalokohan. Hanggang ngayon hindi pa rin tapos ang komiks, at kahit ako y hinihintay ko itong matapos ngunit hindi ko naman mabiyan ng pagkakataon upang gawin, hanggang sa nabasa na lang ng ulan at bahagyang nagalukot-lukot ang mga pahina at naghalo ang mga kulay ng tinta.
Sa tuwing nakakikita ako ng mga taong nagkakagulo, naaalala ko ang gabing iniwan ako ng mga taong KKK,'Kala Ko Kaibigan, nang dumating ang oras ng kagipitan at naiwan akong muntik nang mabugbog kundi lang ako marunong dumepensa. Ang gabing hindi ako nilingon sa likod ng aking mga kasama nang ako ay alam nilang hinila na ng mga masasamang loob, nagtulin silang maglakad papalayo at ako ay naiwang dinala sa sulok at bahagyang pinagdiskitahan sa dilim. Dito ko nalaman na ang mga tunay na kaibigan ay nakikilala sa oras ng kagipitan at pangangailangan.
Sa tuwing umuulan ng malakas, naaalala ko ang gabing halos tumawid ako sa ilog ng ilang kanto at nilunod ko ang aking sapatos masigurado lang na maihatid ko ang isang importanteng bagay sa dapat niyang kalagyan at umui akong basang basa para lang masabihan na ako ay nanuod ng sine kaya ako ginabi ng uwi.
Sa tuwing magsusulat ako ng mga akdang tulad nito, naaalala ko ang nobelang isinulat ko na hango sa tunay na mga pangyayari, na matagal ko nang pinapangarap mailathala at maibahagi sa mga mambabasa ang mga nakapaloob dito.
Sa tuwing naaalala ko ang mga araw na iyon, na parang kanina, kahapon, no'ng isang araw, o no'ng isang linggo lang naganap, kahit ilang taon na ang nakalipas, pakiramdam ko ay nais kong bumalik kahit na isang araw lang sa mga panahong iyon. At nang masilayan kong muli ang mga araw na nakikilala ko pa lang ang aking sarili, at pagmasdan kung paano ako unti-unting naging kung sino ako ngayon. Marahil nabubuhay akong parang bilanggo ng nakaraan ngunit naglalakbay akong nakatingin at patungo sa hinaharap.
Home » Now and Then » Sa Tuwing... Naaalala Ko Ang Mga Araw...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 (mga) komento:
Post a Comment