Tuesday, May 24, 2011

Ulap

Pagod na ako ngunit patuloy pa rin sa pagsulat ang aking mga kanang kamay ng mga akdang tungkol sa aking buhay at sa mga bagay na nagmulat sa akin. Hindi ko alam kung bakit ngunit patuloy pa rin ang aking isip sa pagsasabing hindi ko kailangan ng dahilan upang sumulat, ngunit dahilan kung bakit hindi na dapat ako sumulat.

Di tulad ng mga nabibiling babasahin, na kailangan mong bayaran ang saloobin ng may-akda para lamang mabitin ka sa kanyang mga sasabihin., inilalathala ko ang aking mga akda sa pamamagitan ng ulap ng mga interkonektadong sapot ng mga kompyuter. Cloud computing kung tawagin ngunit walang pang malinaw na pagpapakahulugan. Sa ulap na iyon nagmumula ang mga patak ng impormasyong nakukuha mo araw-araw. Sa pamamagitan ng ulap na ito, inilalagay ko ang aking mga akda at bahala na ang ulap na magpaulan ng mga impormasyon na inilagay ko. Marahil ikaw ay naglalagay rin ng mga impormasyon sa ulap na ito, ngunit mabuting siguraduhin munang may maiiwang makabuluhan sa isipan ng mga taong napapatakan ng iyong impormasyon, 'pagkat marami sa mga patak ngayon ay latak na lamang.

Sa ulap na iyon ay maaari kang maglakbay ngunit kailangan mong malaman ang iyong destinasyon sapagkat ang paglalakbay sa ulap na ito ay sadyang mapanganib. Kailangan mo ng suot na salamin na palaging bago ang lente sa bawat paglalakbay sapagkat hindi lang ikaw ang naglalakbay sa ulap. Kasabay mo ang mga taong nagkukubli sa anino ng ulap at naghihintay ng mga taong mapagsasamantalahan. Kung ikaw ay kanilang mabiktima, tiyak ay mahihirapan ka nang maglakbay sa susunod dahil sisirain nila ang suot mong salamin, at ang pinakamasama ay malaglag ka mula sa ulap at tumawag ka ng tiga-ayos ng iyong sinasakyan upang makapaglakbay muli.

Habang naglalakbay sa ulap. maaari kang makipagusap sa iyong kaibigang naglalakbay rin kahit hindi kayo nagkakakitaan. Maaari rin namang mkipagusap ng nakikita ang isa't isa ngunit kapalit ng kaunting bilis ng iyong paglalakbay, kaya mabuting tumigil muna habang kayo ay nag-uusap upang magkaintindihan.

Sa ulap na ito ay may milyon-milyong lugar na maaari mong mapuntahan, at kung hindi mo alam ang iyong destinasyon, kailangang alam mo kung paano puntahan si kaibigang Google upang maitanong mo sa kanya kung paano pumunta sa lugar o bagay na iyong hinahanap. Magsabi ka ng isang bagay at saabihin nya agad sa iyo kung saan ang lugar na maaari mong puntahan. Sa lawak ng ulap na ito ay marami kang maaaring makilalang tao. Maaari ka rin magpadala ng personal na mensahe, tulad ng serbisyo ni kaibigang Google na GMail, o kahit sa ibon na si Thunderbird. Siguraduhin lamang na ang ipadadalang mensahe ay may tatanggap kundi ay magagalit s iyo ang naghatid.

Maaari ka rin magtinda o bumili sa ulap ng iba't ibang bagay. Brand new, second hand, o kahit sirang bagay ay nakikita rin sa ulap na ito.

Kung mahilig ka sa musika o palabas ay mayroon ding libreng sinehan at pakinigan ng tugtog at magsaya habang kumakain ka ng iyong meryenda.

Kung nais mo nang lisanin ang ulap, huwag kalimutang maglog-off sa bawat lugar n pinuntahan at burahin ang lahat ng bakas ng iyong paglalakbay dahil maaari kang sundan ng mga nagtatago sa dilim, o gamitin ang iyong katauhan sa masama kapag 'di ka nag-logout.

Ang bilis ng iyong paglalakbay ay naka-depende sa sabskripsyon na in-apply mo mula sa limang naglalakihang kumpanyang nagbibigay ng serbisyong pangkomunikyson sa ating bansa (in short, mga network telecommunication companies). Siyempre, ang pinakamahal ang presyo, yun ang pinaka-mabilis. Mayroon din namang prepaid na kailangan mo lang gumastos kung nais mong maglakbay sa ulap sa oras na gusto mo. Mas tipid ngunit maganda lamang sa mga lugr na malakas ang sagap ng ulap.

Ang paglalakbay na ito ay napakadali kung titingnan, sapagkat kamay at mata lang ang gamitin mo ay makapupunta ka na kung saan mo man naisin. Ngunit laging tandaan na sa lahat ng oras ay may panganib na naghihintay. Kahit ang paglalakbay sa ulap ay mapanganib at hindi maganda sa katawan ng tao kapag nasobrahan. Hinay-hinay lamang sapagkat ito ay tunay na nakaaadik. Maligayang paglalakbay sa ulap!

1 (mga) komento:

Niero said...

Nice ipost m na to s defacebook -ron

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger