Masarap talaga kumain ng pancit canton lalo na kapag ginamit mo 'yung teknik na pinost ko nu'ng nakaraan (refer here). Pero minsan gutom na gutom ka na, at malakas ang ulan. Gusto mo man bumili ng tapsilog, wala ka naman pera. Ang meron ka lang, siyam na piso, saktong pambili ng tinapay o pancit canton sa malapit na tindahan. Ngayong nakabili ka na ng pancit canton, agad mo na itong binuksan at inilabas ang seasoning at dinurog ang noodles. Inihanda mo na ngayon ang bowl na pagpapakuluan. Pero pagkapihit mo sa stove, bigla kang napasimangot at parang gusto mong itapon ang bowl dahil sa iyong nakita. Wala na palang gas. Tsktsktsk. Wala na rin uling para sa charcoal stove (a.k.a. kalan de-uling). Bigla mong naisip, dapat pala 'yung tinapay na may ipis na lang ang binili mo.
Huwag nang malungkot, dahil may solusyon na sa problemang iyan, bukod sa papakin mo na lang ang noodles at isawsaw sa seasoning. Sa mga sitwasyong tulad nito, Pancit Canton Survival Mode ang solusyon! Para lamang itong Yakisoba na may dalawang paraan kung paano lutuin. Ang gagawin mo lang, tatrauhin mo lang na yakisoba ang pancit canton. Ang sikreto, mainit na tubig. Gets mo na? Kung hindi pa rin gets, heto ang procedure:
1. Buksan ang pouch, ilabas ang seasoning at bahagyang durugin ang noodles.
2. Maghanda ng mainit na tubig sa isang bowl at lagay dito ang noodles. Takpan at maghintay ng limang minuto.
3. Habang naghihintay, ihanda ang seasoning sa isang pinggan.
4. Salain ang noodles at ihalo sa seasoning.
5. Handa nang kainin ang pancit canton!
Ngayon, maiibsan na ang mga gabing walang gas kapag nagugutom at gusto mong magluto ng pancit canton. May kaibahan nga lang ang lasa nito kumpara sa pinakuluang noodles, pero mainam na rin kaysa papakin mo ito at gawing crackers.
Isa sa mga bagay na bihirang mawala sa isang bahay ang mainit na tubig sa termos. Malaki ang naitutulong nito sa atin, mula sa pagtitimpla ng kape hanggang sa panlalapnos ng balat ng kaaway. Kaya ugaliing mag-init ng tubig araw-araw upang maging laging handa kapag dumarating ang mga sitwasyong ito. Teka, paano ka nga pala magkakaron ng mainit na tubig kung wala na kayong gas? Simple lang, makiinit o humingi ka muna sa kapitbahay o gumamit ng charcoal stove kung meron. Pwede ka rin magluto sa loob ng CPU mo kung alam mong paano gawin. Pero wag mo na subukan, papakin mo na lang ang noodles upang maiwasang makasira.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 (mga) komento:
Post a Comment