Thursday, May 5, 2011

Pangarap Ko sa Bangketa

 

Enero 17, 2011, simula ng midterm week namin. 6am na ko nakatulog kanina at gumising pa ko ngayong 9:00am para hindi malate sa test. 9:30 na ako bumangon, Naligo, naghanda. at umalis na ako ng 10:18. Tapos Sumakay ako sa jeep na pila doon sa kanto sa amin. Nananalangin na sana hindi ako malate at makapagrebyu pa. Doon kami ibinaba ng drayber sa isang kanto bago dun sa dapat namin babaan. Habang naglalakad sa bangketa patungong tapat ng KP tower, nakakita ako ng diskman. isang portable disc player na hinihiram ko pa noon sa kaklase ko noong hayskul pa ako. Minsan ay inaarkila, o isinasangla sa akin. Naaalala ko pa noon, ang dala-dala kong music player ay ang tape recorder ni papa na sinlaki ng libro ng MAPEH na itinago ko noong hayskul (at nasa akin pa hanggang ngayon). Sa tulong ng pinagkabit-kabit na kurdon at pinagdikit-dikit na mga electrical tape, pinatutugtog ko ang mala-C4 na tape recorder na iyon at nakikinig kami ng eraserheads. Sa sobrang desperado namin na makinig ng musika, mas marami pa ang may walkman kesa sa may mp3 player. Kahit nagtya-tyaga sa de-bateryang AA na walkman, masaya pa rin makinig ng musika, kahit na kailangan mo pa maghanap ng masasaksakan para makapag-charge. Kung wala naman, bibili na lang ng isang pack ng battery na bente pesos-apat ang laman. Minsan nakababadtrip dahil ang bilis maubos ng battery, pero gano'n ang aming pagsa-soundtrip. Dahil 90's ang tugtog na umaalingawngaw sa aming mga pandinig, 90's din ang istilo ng pagsa-soundtrip.

Wala akong walkman noon, kundi tape recorder lang na kailangan ng anim na size A na battery (yung malaki) para mapatugtog, kaya nagdadala ako ng adaptor. Gustong-gusto ko magkaroon ng discman noon, at pakiramdam ko mayaman na ako kapag nagkadiscman ako. Mahilig akong makinig ng tugtog at mahilig maglakbay gamit ang bisikleta. Nagtya-tyaga rin ako sa mumurahing radyo noon(yung tig-sisingkwenta pesos na radyo na mp3 player ang design). Tinawag ko itong MP3K - MP3 Player Kunwari, dahil sa design nitong mp3 player kahit radyo lang na mahina o pangit ang signal at may flash light na LED. Tulad ng walkman at iscman, de-baterya rin ito ngunit mas matagal ma-lowbat dahil mas mahina itong gumamit ng battery kaya mas matagal ko itong nagagamit. Napakadesperado kong magkaron ng discman, dahil ang mga paborito kong tugtugin ay mga nasa CD. At mas gusto ko ang discman dahil mas gusto ko ang quality ng tugtog kapag nanggagaling sa CD na original (oo bibili rin ako ng original na CD 'pag nakaron ng pambili) kaysa sa mp3 player. At mas may halaga ang biniling CD dahil nahahawakan mo ito, natititigan hanggang sa matunaw, at maaari mo pang iregalo kumpara sa tugtog na ipinadownload mo lang sa computer shop na kapag nagsawa ka na o kailangan mo na ng memory ay buburahin mo na sa player mo. Kung CD (o kahit cassette tape na orig), kapag nagsawa ka, itago mo lang sa ligtas na lugar (yung hindi makikita ng mga nanghihiram pero hindi nagsasauli). Pag tagal-tagal, ang CD o tape na iyon ay mas mataas na ang halaga dahil mahirap nang humanap ng katulad no'n, hindi lang iyon kundi sentimental value pa, dahil maaalala mo ang mga panahon na pinatutugtog mo iyon kapag malungkot ka o kapag magkasama kayo ng dati mong GF, o kapag iniimagine mo na sana magkasama kayo, etc.

Ngayon meron na akong mp3 player, pero gusto ko pa rin magkaroon hanggang ngayon ng Discman. Gusto ko sanang bilhin ang discman na nakita ko ngunit hindi ko alam kung gumagana pa iyon o hindi. Ang noo'y pinapangarap kong discman nasa bangketa na lang ngayon at binebenta sa murang halaga, sa halagang makikipagsapalaran ka kung ayos ang bibilhin mo o hindi. Hindi ako natuwa sa nabili kong mp3 player dahil hindi nito naabot ang inaasahan kon quality. Ang sabi 2GB ang memory, pero 1/4 lang nito ang pwede mong mapakinggan. Ang mga sosobra sa 1/4 ng 2GB, hindi mo na mapapakinggan dahil macko-corrupt ang mga kanta. Meron na rin akong original na CD. Fruitcake - album ng eraserheads, binigay sa akin ng aking GF. At masaya ako nang magkaron ako ng original na cd. Sa sobrang ingat ko, hindi ko pa rin ito pinatutugtog hanggang ngayon at nakatabi lang sa aking drawer. Isa sa mga araw na ito, sisiguraduhin kong makabibili ako ng discman, at sana ang araw na iyon ay malapit na.

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger