Vandalism - Hindi makabuluhang paninira ng kagandahan sa pamamagitan ng pambababoy, pagsusulat at pagguhit ng kung annu-ano at literal na pagwasak sa mga bagay na pag-aari ng ibang tao.
Ang salitang vandalism ay nag-ugat mulsa sa mga vandals sa roma ilang daantaon na ang nakalipas. Hindi man sila ang pinakamapanirang tribo noong panahong iyon ngunit sa kanila pa rin ibinatay ang salitang ginagamit natin ngayon upang ilarawan ang walang katuturang paninira ng kagandahan sa ating kapaligiran.
Maraming paraan upang ipakita ang vandalism, o ang pagiging vandal. Ilan sa mga ito ay ang paninira ng mga rebulto, pambababoy ng mga karatula, paglalagay ng kung anu-ano sa mga babala sa kalsada, at pagpipintura at pagsusulat ng mga hindi kaaya-ayang bagay sa mga pader. Ang simpleng pagsusulat sa armchair, ang pagsusulat ng "May tatlong tanga, pang-apat ang bumasa" sa pader ng classroom, at ang pagsusulat ng cellphone number sa mga cubicel at toilets ay mga halimbawa rin ng vandalism.
Pero kahit na hindi mo gawain na magsulat sa armchair at pader ng kalokohan, alam mo ba na paminsan-minsan ay nagvavandalize ka pa rin? Marami sa atin, mahilig magvandalize, sa makabagong paraan. Isang paraan na nakatutuwa at pinapatulan pa ng mga katulad nilang mga vandals. Isang paraan na kung saan ang lahat ay binigyan ng karapatan upang maglagay at magsulat ng kung anu-ano sa pader ng bawat isa. Ang sarili nating "pader" na araw-araw ay nilalagyan natin ng laman, at kung anuman ang maisip natin at dito natin inilalagay. Wala nang iba kundi ang ating "wall" sa facebook. Dahil sa facebook, tinuruan tayo nitong magsulat ng kung ano-ano sa pader ngunit dahil nagustuhan ito ng mga tao, hindi ito itinuring na vandalism. Bagkus ay ginaya pa ito ng iba tulad ng friendster at yahoo na may pader na rin para sa mga users nila. Pero may mga gawain pa rin na maituturing na vandalism pagdating dito. Halimbawa nito ay ang pagpopost sa wall ng group niyo ng picture mong tulog ka at tulo-laway. Vandalism ito dahil hindi naman ito makabuluhan, walang naitutulong at hindi ito kaaya-aya para sa iyo. Sa kasamaang-palad, tuwang-tuwa sila sa picture mo kaya makitawa ka na lang sa kanila at maghintay ng pagkakataon upang makaganti. Isa pang halimbawa ay ang pagta-tag sa iyo ng picture ng aso, pusa, kabayo, lotion, sabon, at iba pang binaboy na picture na wala ka naman doon pero naka-tag ang pangalan mo. Buti na lang at puwede mong tanggalin ang tag at burahin ang post sa iyong wall. At ang pinakamadalas makitang akto ng makabagong vandalism ay ang sandamukal na app at game update/invites sa iyong wall na kapag binura mo ngayon, mamaya meron ulit. Kaya hinahayaan mo na lang maipon ang mga ito at matabunan ang mga mahahalagang pinost mo.
"YOUR_NOOB_FRIEND is playing A_NOOB_GAME. Click here to play A_NOOB_GAME too!"
"YOUR_NOOB_FRIEND got STUPID_NOOB_GOLDS in A_NOOB_GAME. Click here to get STUPID_NOOB_GOLDS too!"
"YOUR_NOOB_FRIEND is inviting you to play A_NOOB_GAME. Click here and be a NOOB Player!"
Buti na lang at meron nang block function para sa mga request at nakokontrol mo na ang mga naiipon na mga requests.
Tayo ay binigyan ng kalayaan upang ihayag ang anumang nais nating ipahayag at ibahagi ang ating mga saloobin. Ngunit sa bawat karapatan ay may mga responsibilidad na dapat nating gampanan. Sikapin nating magbahagi ng mga bagay na makabuluhan, hindi mga bagay na nakapag-aaksaya lamang ng panahon at nakapapanakit ng kapwa. Makatulong ka man ng kaunti, higit pa roon ang babalik sa iyong tulong balang-araw. Kaya ihanda na ang mga permanent markers ninyo at simulan nang magsulat ng "Fight Vandalism!" sa bawat whiteboard, armchairs at pader at sama-sama nating labanan ang bandalismo!
0 (mga) komento:
Post a Comment