Saturday, May 28, 2011

Into The Fraud 2 - Battery

- 0 (mga) komento
Into The Fraud 2 - Battery
April 25, 2011 - Kinabukasan ng Easter Sunday



Sapat na ang nangyari tungkol sa RAM, para maulit muli ito ngayon. Kahit kailan, hindi na ako ulit bibili roon ng anumang parts ng PC. Inihahandog ko ang part 2 ng Into The Fraud, at ito ay tungkol sa Battery.

Bago ko ipagpatuloy ang pag-iinstall sa PC doon sa office, binilhan ko muna ito ng CMOS Battery sa Quiapo.

Una kong pinuntahan ang tindahan/watch repair na medyo malapit sa bar, bago tumawid ng recto.

Ako: Magkano po 2032 na battery?
Manong: 150.
Ako: (Gulat na napangiti) Mahal naman!
Manong: 3 volts kasi iyan.

At umalis ako nang natatawa. Tumawid ako ng recto, at pangalawa kong napuntahan ang tindahan/sanlaan ng relo na kahilera ng Isetan Mall.

Ako: Magkano 2032 a battery?
Manang: 120.
Ako: Ay, kulang dala ko eh.
Manang: (Habang papaalis na) Sige 95 na lang.
Ako: Singkwenta lang 'to eh.
Manang: (napatango na lang)

Naasar na napatango si manang sa sinabi kong presyo. Suno na pinagtanungan ko ng battery ay ang medyo katapat nitong watch repair na may pulang pintura.

Ako: Makano 2032 na battery?
Manong: 2032... 100.
Ako: Pwede bang singkwenta na lang?
Manong: (Paisnab) Ay, hindi!

At bigla na 'kong umalis. Dumiretso na lang ako sa binilhan ko ng CMOS battery tatlong araw ang makalipas. Wala na akong choice kundi ang tindahang iyon sa tapat ng Mang Inasal sa quiapo. No'ng bumili ako roon, 50 ang presyo niya sa akin, pero tinawaran ko pa ng 40 at ibinigay naman niya. Nakamura ako ng kaunti, pero no'ng araw na iyon, kinulang ako ng pamasahe, nagkulang ako ng dalawang piso, kaya nilakad ko hanggang sa divisoria, at doon na ako nag-jeep. Kinulang ako ng tawad, dapat pala 35 na lang. Pagdating ko ngayon sa tindahan, pawisan akong bumili. Hindi ko na tinawaran at binili ko na ito ng 50 pesos, dahil 50 naman ang inilagay ko sa resibong ibinigay ko kay Ma'am Clotha. Buti at may natira pang isa kay manong kalbs.

Pabalik sa bar, sumakay na ako ng jeep na dapitan, dahil malayo na rin ang nalakbay ko kahahanap sa tindahang mapagkakatiwalaan. Sa jeep, bago bumaba, tinanong ko kay manong drayber kung nagbayad na ba ako. Sabi hindi pa raw, naku buti nagtanong ako, kundi baka ipinahiya pa ako, sa harap pa naman ako ng jeep nakasakay.

Pagbaba ko, dumiretso na ako sa office, inilagay ang bagong battery sa PC, ang 512mb na ram, at ininstall ang mga kulang na softwarez.

Pagtapos ng mga pangyayari, o ng mga PANGyayarî, sa likod ng Raon Center at sa mga watch repairs, medyo namulat ang paningin ko pagdating sa mga lokohan. Sinasamantala nila ang pagka-walang-kaalaman ng mga taong bumibili ng produkto nila. Oo nga naman, hindi alam ng kostumer kung magkano ang puhunan ng binili nila, ang alam lang ay kung magkano ito nabibili, at hindi rin nila alam kung gumagana ba ang produkto kung binili nila itong hindi natesting. Pero kahit gano'n, eto ang masasabi ko sa mga nananamantala ng mga taong walang alam sa kanilang binibili: Hindi niyo alam na ang ipinambibili nila sa inyo ng inyong produkto ay kanilang pinagpawisan, pinagpuyatan, at pinagpaguran. Pinag-gugulan nila iyon ng oras, hirap, pagod at panahon para lamang mabili ang kanilang mga pangangailangan mula sa inyong mga nagtitinda. Mag-ingat kayo sa karma, dahil hindi niyo rin alam kung ang perang ibinayad ba sa inyo ay may sumpa, o may bombang nakakabit, na kapag inilagay mo sa bulsa ay biglang sasabog na lang matapos ang ilang minuto. Huwag niyong hintayin na matuto ang lahat ng tao sa inyong mga panloloko dahil kapag nangyari iyon ay kayo naman ang matututo sa mga pinaggagagawa ninyo.

Extrang tip para sa mga kabibiktima o mabibiktima pa lang:
Huwag ninyong balakin na magsumbong doon mismo sa istasyon ng pulis sa Quiapo dahil marahil pagtawanan lamang kayo matapos ninyong mabiktima. Hawak nila ang bawat kriminal sa makasalanang lugar na iyan. Mandurukot, snatcher, manloloko. Lahat iyan, kilala nila iyan dahil may porsyento sila sa bawat perang kinikita ng mga manloloko. Kaya kapag nagkaro'n ng raid akala mo nahuli na sila, iyon pala ay natimbrehan na ng mga kaibigan nilang pulis kaya biglang nakakapagtago, o kaya naman ay scripted ang pagkakahuli. Kaya kung nais mong maging matagumpay ang pagkamit mo sa iyong hustisya, isumbong mo kay Bong-Bong! Kay Tulfo, sa SOCO, o kaya ay ipagbigay alam sa Imbestigador ng bayan na si pareng Mike(Enriquez). Pero hangga't maaari ay huwag nang bumili sa tindahang walang permit, mga taong hindi kapani-paniwala, at mga tindahang walang permanenteng puwesto upang maiwasan ang mga ganitong problema. Bumili lamang sa mga pinagkakatiwalaang tindahan upang masiguro na ang biniling produkto ay may kalakip na pagtitiwala mula sa binilhang tindahan. Sana ay may natutuhan kayo mula sa aking pagkakamali. Iyan po ang Into The Fraud 2 at Maraming salamat!
[Continue reading...]

Thursday, May 26, 2011

Sa Tuwing... Naaalala Ko Ang Mga Araw...

- 0 (mga) komento
Sa Tuwing... Naaalala Ko Ang Mga Araw...

Sa tuwing madaraan ako sa mga lugar na dati'y madalas kong madaanan, naaalala ko ang mga araw na parang wala nang bukas na darating, pero patuloy pa rin ang pagdaan ng mga araw.

Sa tuwing masasakay ako ng dyip na tayuman, naaalala ko ang mga araw na hindi ako nagbabayad sa drayber, pero nauubos at nauubos pa rin ang baon ko kahit na nakatitipid ako sa hindi pagbabayad.

Sa tuwing kumakain ako ng kendi, naaalala ko ang mga araw na hinahati ko pa sa dalawa ang isang maliit na chewing gum upang makatipid. Kalahati sa umaga, kalahati sa hapon.

Sa tuwing ako ay mapapakain sa canteen o karinderya, naaalala ko ang mga araw na tanging kanin lang ang binibili ko sa canteen at mag-uulam ng toyo at iyon ang aking tanghalian, kahit na may pera akong sapat para bumili ng ulam.

Sa tuwing makakakita ako ng mga taong nakakumpol at nagpapatugtog, naaalala ko ang mga araw na pinagsasaluhan namin ng aking mga kaibigan ang tugtog na nanggagaling sa aking tape recorder na may speaker kahit garalgal ang tunog, at magpapalipas ng oras sa loob ng silid-aralan habang wala pang guro.

Sa tuwing ako ay lumalabas ng pamantasan kapag bakante ang oras at walang gagawin, naaalala ko ang mga araw na kami ay nakakulong lamang sa isang malaking kwadranggel ng aming paaralan at patagong naglalaro ng baraha, gumagawa ng takdang-aralin at ginagamit ng maayos ang bakanteng oras.

Sa tuwing matatapos ang klase sa silid at pumapasok ang janitor para maglinis, naaalala ko ang mga araw na bawat klaseng matatapos ay may grupong naka-toka upang maglinis ng silid, suot-suot ang isang pares ng shoe rag na pinupulot lamang mula sa mga taong nakaiiwan o nakawawala nito.

Sa tuwing nakakikita ako ng mga nagkaklase sa aircon na silid, naaalala ko ang mga araw na nagtitiis kami sa init ng araw habang kami ay nagkaklase.

Sa tuwing nakakikita ako ng mga estudyanteng sinisita sa entrance kapag walang ID, naaalala ko ang mga araw na pumapasok akong suot ang aking pekeng ID sa aming paaralan at malayang nakagagalaw.

Sa tuwing magtetest at kailangan ng yellow pad, naaalala ko ang mga araw na kanya-kanyang diskarte ang ginagawa para magkaroon ng intermidiate pad. Kahit recycled ok lang, basta makapagtest. Hingi dito, hingi doon. Minsan kusa na lang dumarating.

Sa tuwing papasok ako ng maaga ngayon, naaalala ko ang mga araw na nakikipaghabulan ako sa oras para umabot sa flag ceremony at makapasok sa unang subject. At kung masarhan ng gate ay pupunta sa kompyuteran para lang mag-friendster at youtube.

Sa tuwing nakikita ko ang aking bunsong kapatid n nagdodrowing, naaalala ko ang mga araw na lumilikha ako ng komiks na tungkol sa aming magkakaibigan na hinaluan ng iba't ibang klase ng imahinasyon at kalokohan. Hanggang ngayon hindi pa rin tapos ang komiks, at kahit ako y hinihintay ko itong matapos ngunit hindi ko naman mabiyan ng pagkakataon upang gawin, hanggang sa nabasa na lang ng ulan at bahagyang nagalukot-lukot ang mga pahina at naghalo ang mga kulay ng tinta.

Sa tuwing nakakikita ako ng mga taong nagkakagulo, naaalala ko ang gabing iniwan ako ng mga taong KKK,'Kala Ko Kaibigan, nang dumating ang oras ng kagipitan at naiwan akong muntik nang mabugbog kundi lang ako marunong dumepensa. Ang gabing hindi ako nilingon sa likod ng aking mga kasama nang ako ay alam nilang hinila na ng mga masasamang loob, nagtulin silang maglakad papalayo at ako ay naiwang dinala sa sulok at bahagyang pinagdiskitahan sa dilim. Dito ko nalaman na ang mga tunay na kaibigan ay nakikilala sa oras ng kagipitan at pangangailangan.

Sa tuwing umuulan ng malakas, naaalala ko ang gabing halos tumawid ako sa ilog ng ilang kanto at nilunod ko ang aking sapatos masigurado lang na maihatid ko ang isang importanteng bagay sa dapat niyang kalagyan at umui akong basang basa para lang masabihan na ako ay nanuod ng sine kaya ako ginabi ng uwi.

Sa tuwing magsusulat ako ng mga akdang tulad nito, naaalala ko ang nobelang isinulat ko na hango sa tunay na mga pangyayari, na matagal ko nang pinapangarap mailathala at maibahagi sa mga mambabasa ang mga nakapaloob dito.

Sa tuwing naaalala ko ang mga araw na iyon, na parang kanina, kahapon, no'ng isang araw, o no'ng isang linggo lang naganap, kahit ilang taon na ang nakalipas, pakiramdam ko ay nais kong bumalik kahit na isang araw lang sa mga panahong iyon. At nang masilayan kong muli ang mga araw na nakikilala ko pa lang ang aking sarili, at pagmasdan kung paano ako unti-unting naging kung sino ako ngayon. Marahil nabubuhay akong parang bilanggo ng nakaraan ngunit naglalakbay akong nakatingin at patungo sa hinaharap.
[Continue reading...]

Into The Fraud

- 2 (mga) komento
Into The Fraud
April 24, 2011 - Easter Sunday



Maaga akong gumising dahil may nagpapagawa sa aki ng PC sa sampaloc. Kahit ilang oras lang ng tinulog ko, gumising ako ng 11 AM(maaga na iyon) upang sumagot sa text kahapon kung pupunta ako o hindi roon sa nagpapagawa, Alas dos ako nakarating sa nagpapagawa at hindi ko alam ang sira ng PC. Sabi ng may-ari, ayaw na raw bumukas ng PC. Tinesting ko at ayaw ngang bumukas. Tinanggal ko ang power supply sa pagkakakabit sa PC at tinesting ko ito by jumpering the black and green wires habang nakasaksak sa outlet. Dapat bubukas ang fan ng PSU(power supply) pero hindi umikot, ibig sabihin sira ang power supply. Pinabili ko sila ng power supply at hinintay ko ito para ikabit. Pagdating nila, dala ang bagong power supply, tinesting ko ito tulad ng ginawa ko kanina, at gumana. Ikinabit ko na ito agad sa CPU. Bumukas ang PC, pero maya-maya ay namatay, kaya inayos ko ang connections ng wire sa loob. Ngayon hindi na ito namamatay. Nang bumukas, lumabas ang CMOS Checksum Error. Ibig sabihin naman nito, kailangan nang palitan ang CMOS Battery. Kaya pinabili ko rin sila nito. Pagtapos ay inupdate ko ang Panda Cloud Antivirus na inilagay ko dati. Tinignan ko rin kung may virus ito, at nabilib ako dahil wala. Magandang kombinasyon pala ang USB Disk Security + Panda USB Vaccine + Panda Cloud na free. Dahil sa tatlong iyon, walang virus sa loob ng anim na buwan! Pagtapos gumawa, naghugas ako ng kamay dahil hindi ko na ito makilala sa kapal ng alikabok. Inabutan ako ng 500 ng nagpagawa. Naisip ko kung idadagdag ko na lang ito sa aking Smart Money para makabili ng SDRam sa eBay. 1GB SDRam (2x 512MB) for approx. 700 pesos, brand new, o dito na lang ako bibili, hindi na sa net.

Nagpaalam na ako sa mababait na mga nagpagawa, at sumakay ako ng jeep na Quiapo. Wala akong balak gastusin ang pera ko ngayon dahil 512MB naman ang memory ng Pentium III sa bahay(previously 192MB). Salamat kay Dave (kaklase at kaibigan ko nung elementary) at ibinigay niya ang kanyang Ram sa akin pagtapos kong gawin ang PC nila kahapon.

Pagdating sa Quiapo, ang balak ko lang ay tumingin at magtanong ng mga parts na kailangan ko. Ngunit nang mapadpad ako sa likod ng Raon Center, sa Gonzalo Puyat St., parang na-brainwash ako habang nagtatanong. Bago pa man ako bumili, napayuhan na ako ni itay na lokohan ang mga tindahang iyon. 200 daw patesting. 'Pag sira, testing ulit, 200 ulit. Doon raw sila kumikita. Pero sabi ko sa sarili ko, gusto kong matuto. Gusto kong malaman kung anong kahihinatnan ko, kaya bigla akong napatanong at napa-tawad sa presyo ng Ram. 350 Pesos daw ang 512MB. Sabi ko 600 na lang dalawa. Dagdagan ko raw ng 50, sabi ko 600 na lang, dalawa naman bibilhin ko. Ibinigay niya sa akin ang double-sided na ram, dalawa. Maliit kumpara doon sa ipinakita niyang sample kanina na single-sided at may sticker na 512MB. Bibigyan niya raw ako ng 2-months warranty. Mukhang kapani-paniwala hindi ba? Sabi pa niya, "Double-sided 'yan mas matibay". Single-sided kasi 'yung sample kanina. Pero yung ibinigay niyang "double-sided na mas matibay", walang sticker. Sinabi ko sa kanya ng tatlong beses, "Kuya 'pag may problema, papapalitan ko ha...". Pero sa tatlong beses na iyon, hindi siya makatingin ng maayos o diretso, na para bang ilang. Binigyan niya ako ng resibo, resibong generic. Walang pangalan ng tindahan at number ng resibo, kundi date at items lang. "Michael ang inilagay niyang pangalan, at hindi ko alam kung pangalan nga ba talaga niya iyon, o pangalan niya sa mga ganitong transaksyon. Wala akong alam kung gumagana ba ang ibinigay niyang Ram.

Umuwi ako ng diretso, at laking pasasalamat ko sa itaas dahil binigyan niya ako ng pambili ng Ram. Itetesting ko na ito sa bahay. Tinanggal ko ang dalawang 256mb na ram na ibinigay ni dave, at isinalpak ang bagong ram. Tiningnan ko sa BIOS, 32mb lamang ang nakalagay. Ang isa, 32MB, pero 'yong isa, hindi gumagana. Sabi ko tuloy, "sabi na nga ba!", kaya nagmamadali akong nagbisikleta pabalik sa tindahan kahit alam kong mag-aala-sais na. Pagdating ko roon, wala na si Michael. Umuwi na raw, linggo kasi kaya maaga raw sila nagsasara. Umuwi akong badtrip.

Kinabukasan, hindi ako pumasok sa eskwela ng ala-una (may summer class kami) para balikan ang tindahan at matahimik ang aking kaluluwa. Pagdating ko sa tindahan, wala na raw si Michael.

Ako: Kuya nasaan si Michael?
Mamang-loloko 1: Ah, wala dito. Tingnan mo do'n, do'n ang pwesto nila.
Ako: (Sa kabilang pwesto) Kuya si Michael?
Mamang-loloko 2: (Parehas ang sinabi)
Ako: (Bumalik) Kuya wala eh, 'di niyo ba pwede palitan?
Aleng Manloloko rin: Wala kaming tindang ganyan eh, sa kanya mo papalitan.
Ako: (Pumunta sa pangatlong kariton) Kuya nasa'n si Michael?
Mamang-loloko 3: Ah, si Michael, yung nahuli kanina..
Mamang-loloko 4: Nagkahulihan ba kanina?
Mamang-loloko 3: Oo, 'yung maramihan, marami nahuli.
Ako: ??? Wala namang hulihan kanina ah. (Kahit hindi ko alam kung meron nga.)
Mamang-loloko 3: Ay! Wala ba?

Alam kong nariyan lang si Michael, nasa ibang puwesto, nambibiktima ng ibang tulad ko. Napansin ko, ang tao kahapon, iba sa tao ngayon. Araw-araw siguro, ang taktika nila, ibang tao kada puwesto sila araw-araw pero parehong kariton.

"Tandaan mo ang puwesto ha." Ang sabi ng singkit na tindero kahapon nang makapag-bayad na ako.
"Huwag mo nang anuhin baka magbago pa isip!" Ang sabi naman ng kasama niyang tindera.

Bigla kong naalala ang mga salitang ito habang iniisip ko kung babalik pa ba ang perang pinagpawisan ko o mawawala na lamang iyon tulad ng iba pa nilang mga nabiktima.

Pumunta na lang ako sa JASHS Music Lounge (formerly Music Ave.), bar na pinago-OJT-han ko. Sinabi ko kay Ma'am Clotha (president ng bar) na 'yong isang Pentium III ay naiupgrade ko na at puwede nang gamitin pang-office works. Ang sabi sa akin ilista ko ang mga ginastos ko at inabonohan ko para ibalik niya. Inilista ko ang mga ginastos ko kasama ang ram ni Dave na dalawang 256MB sa halagang 600. Nang ibinigay ko ang lista, binigay niya sa akin ang nagastos kong pera. Ang nawalang 1050 pesos in 24 hours, naibalik ngayon (450 sa keyboard at mouse, 600 sa ram) at may tip pang 100 pesos.

Umuwi ako sa bahay at kinuha ang keyboard and mouse na bago. Dinala ko ito sa bar at inilagay sa Pentium III doon sa office, at in-install-an ng OS. Hindi ko na muna itinuloy an installation ng mga karagdagang softwarez dahil hindi ko dinala ang ram ni dave, at bukod dito ay hindi pa rin napapalitan ang CMOS battery. 3AM na ako natapos sa OS, at kinabukasan ko ito itinuloy.

Sa pagisip-isip ko, hindi naman ako nawalan talaga dahil naibalik naman agad ang nawala kong pera. Marahil dininig lamang ng nasa itaas ang kagustuhan kong matuto. Puwes natuto na ako, at ito ang natutunan ko. Huwag masilaw sa mga panindang napakamura ng presyo lalo na't hindi mo ito nakikitang gumagana bago mo ito bilhin. Bago magbayad ay siguraduhing gumagana ang bibilhing produkto. Sana ay makatulong at magsilbing gabay ito para sa inyo na bibili pa lang ng mga bagay na nais niyong bilhin.
[Continue reading...]

Tuesday, May 24, 2011

Ulap

- 1 (mga) komento
Pagod na ako ngunit patuloy pa rin sa pagsulat ang aking mga kanang kamay ng mga akdang tungkol sa aking buhay at sa mga bagay na nagmulat sa akin. Hindi ko alam kung bakit ngunit patuloy pa rin ang aking isip sa pagsasabing hindi ko kailangan ng dahilan upang sumulat, ngunit dahilan kung bakit hindi na dapat ako sumulat.

Di tulad ng mga nabibiling babasahin, na kailangan mong bayaran ang saloobin ng may-akda para lamang mabitin ka sa kanyang mga sasabihin., inilalathala ko ang aking mga akda sa pamamagitan ng ulap ng mga interkonektadong sapot ng mga kompyuter. Cloud computing kung tawagin ngunit walang pang malinaw na pagpapakahulugan. Sa ulap na iyon nagmumula ang mga patak ng impormasyong nakukuha mo araw-araw. Sa pamamagitan ng ulap na ito, inilalagay ko ang aking mga akda at bahala na ang ulap na magpaulan ng mga impormasyon na inilagay ko. Marahil ikaw ay naglalagay rin ng mga impormasyon sa ulap na ito, ngunit mabuting siguraduhin munang may maiiwang makabuluhan sa isipan ng mga taong napapatakan ng iyong impormasyon, 'pagkat marami sa mga patak ngayon ay latak na lamang.

Sa ulap na iyon ay maaari kang maglakbay ngunit kailangan mong malaman ang iyong destinasyon sapagkat ang paglalakbay sa ulap na ito ay sadyang mapanganib. Kailangan mo ng suot na salamin na palaging bago ang lente sa bawat paglalakbay sapagkat hindi lang ikaw ang naglalakbay sa ulap. Kasabay mo ang mga taong nagkukubli sa anino ng ulap at naghihintay ng mga taong mapagsasamantalahan. Kung ikaw ay kanilang mabiktima, tiyak ay mahihirapan ka nang maglakbay sa susunod dahil sisirain nila ang suot mong salamin, at ang pinakamasama ay malaglag ka mula sa ulap at tumawag ka ng tiga-ayos ng iyong sinasakyan upang makapaglakbay muli.

Habang naglalakbay sa ulap. maaari kang makipagusap sa iyong kaibigang naglalakbay rin kahit hindi kayo nagkakakitaan. Maaari rin namang mkipagusap ng nakikita ang isa't isa ngunit kapalit ng kaunting bilis ng iyong paglalakbay, kaya mabuting tumigil muna habang kayo ay nag-uusap upang magkaintindihan.

Sa ulap na ito ay may milyon-milyong lugar na maaari mong mapuntahan, at kung hindi mo alam ang iyong destinasyon, kailangang alam mo kung paano puntahan si kaibigang Google upang maitanong mo sa kanya kung paano pumunta sa lugar o bagay na iyong hinahanap. Magsabi ka ng isang bagay at saabihin nya agad sa iyo kung saan ang lugar na maaari mong puntahan. Sa lawak ng ulap na ito ay marami kang maaaring makilalang tao. Maaari ka rin magpadala ng personal na mensahe, tulad ng serbisyo ni kaibigang Google na GMail, o kahit sa ibon na si Thunderbird. Siguraduhin lamang na ang ipadadalang mensahe ay may tatanggap kundi ay magagalit s iyo ang naghatid.

Maaari ka rin magtinda o bumili sa ulap ng iba't ibang bagay. Brand new, second hand, o kahit sirang bagay ay nakikita rin sa ulap na ito.

Kung mahilig ka sa musika o palabas ay mayroon ding libreng sinehan at pakinigan ng tugtog at magsaya habang kumakain ka ng iyong meryenda.

Kung nais mo nang lisanin ang ulap, huwag kalimutang maglog-off sa bawat lugar n pinuntahan at burahin ang lahat ng bakas ng iyong paglalakbay dahil maaari kang sundan ng mga nagtatago sa dilim, o gamitin ang iyong katauhan sa masama kapag 'di ka nag-logout.

Ang bilis ng iyong paglalakbay ay naka-depende sa sabskripsyon na in-apply mo mula sa limang naglalakihang kumpanyang nagbibigay ng serbisyong pangkomunikyson sa ating bansa (in short, mga network telecommunication companies). Siyempre, ang pinakamahal ang presyo, yun ang pinaka-mabilis. Mayroon din namang prepaid na kailangan mo lang gumastos kung nais mong maglakbay sa ulap sa oras na gusto mo. Mas tipid ngunit maganda lamang sa mga lugr na malakas ang sagap ng ulap.

Ang paglalakbay na ito ay napakadali kung titingnan, sapagkat kamay at mata lang ang gamitin mo ay makapupunta ka na kung saan mo man naisin. Ngunit laging tandaan na sa lahat ng oras ay may panganib na naghihintay. Kahit ang paglalakbay sa ulap ay mapanganib at hindi maganda sa katawan ng tao kapag nasobrahan. Hinay-hinay lamang sapagkat ito ay tunay na nakaaadik. Maligayang paglalakbay sa ulap!
[Continue reading...]

Tuesday, May 17, 2011

Naholdap Kasi Ako

- 0 (mga) komento
Una sa lahat, pinasasalamatan ko si manong drayber na nagpasakay sa akin kahit wala na akong pera. Kundi ay uuwi akong naglalakad at malapit sa kapahamakan.

2:00 AM na at wala pa rin nagtatawag sa akin sa DJ's Booth para isabay ako sa pag-uwi. Kaya naman nagpasya akong umuwi na lamang mag-isa mula sa Music Avenue. PhP 12.00 na lang ang natitira kong pera, at kailangan ko iyon pagkasyahin sa dalawang sakay (Isetan to Divisora + Divisoria to Herbosa). Paglabas ko ng bar, nakatatakot maglakad at pakiramdam mo ay minamanmanan ka ng mga holdaper. Buti na lang at nakarating ako ng ligtas sa sakayan ng Divisoria sa tapat ng Isetan. Ibinayad ko ang sampu, may sukling dos, plus dos ikwals apat na piso na lang ang pera ko. Naisip kong maglakad ngunit mapanganib na ideya iyon, kaya pagdating sa sakayan ng Velasquez sa Juan Luna St., tsumempo ako sa drayber at kinausap ko siya.

Ako: Manong baka pwedeng kwatro na lang, sasabit na lang ako.
Drayber: Saan ka ba?
Ako: Sa herbosa lang, sasabit na lang ako, naholdap kasi ako eh.
Drayber: Oo sige sabit ka na lang.
Ako: Ah, sige eto bayaran ko na, naholdap kasi ako eh. Salamat!

At sumakay na ako sa dulo ng dyip. Pinatay ko ang aking cellphone upang hindi mahalatang hindi talaga ako naholdap, at inilagay ko ito sa aking bag. Nang malapit nang mapuno ang jeep, pumwesto na ako para sumabit, ngunit pinapasok ako ng drayber. Marahil dahil baka hulihin siya ng pulis sa kasong overloading kahit 'di pa naman puno (May hinuli kasing dalawang nakamotor na kahina-hinala at mukhang hholdapin ang jeep namin, nakaabang sa likuran ng jeep)

Mga ilang minuto rin akong naghintay upang mapuno ang jeepp. Ayan at nakaalis na. Habang nasa jeep, inisip ko 'pag bumaba ako, magpasalamat ako ulit. Ngunit nang pumara na ako, di na ako nakapagpasalamat ulit - bagay na kinahihinayangan ko. Dahil baka iniisip no'n ngayon, nanloloko lang ako. Sa aking pagbaba, nasabi ko na lang, dapat nag-thank you ako sa kanya ulit, dahil kung hindi sa kanya hindi ako makauuwi ng maayos.

Pang-apat na beses ko na itong ginagawa ('yung magbabayad ng kulang sa jeep pero alam ng draybert), pero ngayon ko lang nagamit ang natutunan kong 'Framing' mula sa Social-Engineer.Org podcast. Sana ay maging maunlad ang buhay ng drayber na iyon sa kanyang buhay pagmamaneho at gumanda ang kanyang kita sa araw-araw.
[Continue reading...]

Wednesday, May 11, 2011

Edge (Hangganan)

- 0 (mga) komento
"The real edge cannot be seen on a sword bought sharp enough to cut a throat, but on a sword dull enough that you sharpen it everyday."
-Dace Wolfram Pijoy
[Continue reading...]

Monday, May 9, 2011

Hanging Naglilibot

- 4 (mga) komento
Sa gitna ng gabi, ako ay nagising
Sa tunog ng yero na kumakalansing
Ang mga bubungan ay pilit kinakalog
Ng hanging naglilibot mukhang ayaw magpatulog

O bakit ba naman ganito ang panahon?
Sa gitna ng tag-araw ay may malakas na ambon
Isang grupo ng mga ulap na tila naliligaw
Dito pa nagpapalipas ng gabi't, sumisigaw.

Ayokong lumabas 'pagka't baka may tangay-tangay
Ang hanging malakas baka may yerong sumasakay
At ako'y madisgrasya sa aking paglalakbay
Dito na lang ako sa loob ng aming munting bahay.

Maghihintay mapagod ang hanging naglilibot
Magbibilang ng butiki upang hindi mayamot
Habang tinatakpan ng makapal kong kumot
Huwag sana akong kagatin ng maliliit na surot.

Ang aking sikmura'y biglang kumalam
Ngunit kanin lang ang meron sa kusina't walang ulam
Lintik na sikmura, nais pa 'kong palabasin
Ang hanging naglilibot nais yatang kumustahin.

Ako ay nagpasyang lumabas ng tahanan
'Pagka't aking sikmura'y malungkot, walang laman
Sa aking paglabas nariyan ang naglilibot na hangin
Isang malamig na pagsalubong ang ibinigay niya sa akin.

Ako ay nagtungo sa malapit na tindahan
Isang kainan na nakabukas magdamagan
At ako'y kumain ng masarap na pagkain
Tiyak tuwang-tuwa ang tiyan kong gutumin.

Ako ay inihatid ng naglilibot na hangin.
Busog akong nakauwi patungo sa bahay namin.
Mabuti na lang at walang tangay-tangay
Ang hanging malakas walang yerong pinasakay.

At nagpatuloy sa pag-iikot ang hanging naglilibot
Akin nang binalikan ang makapal kong kumot
Makapagpahinga na muna at nang bumaba
Ang kinain kong pagkain ay matunaw sa sikmura.

Ang hanging naglilibot ay patuloy sa pag-iikot
Patuloy sa paglalakbay nang hindi nayayamot
Sa aking paghimlay ay akin ding napansin
Mayroon palang dahilan ang paglilibot ng hangin.

Naglalakbay, umiikot, sa bintana lumulusot
Ipinadarama ang lamig ng hanging naglilibot
Hindi kayang tapatan ng iyong unan at kumot
'Pagka't lamig ng hangin, sadyang nanunuot.

Hanging malamig ang pangunahing sangkap
Sa mahimbing na tulog at sa masarap na yakap
At kung naiinitan ay huwag nang paghintayin
Hanging kumakatok ay iyo nang papasukin.

O kay sarap talagang mahimlay ng ganito
Kung hanging naglilibot ang magpapatulog sa iyo
Sige lang yakapin mo ang iyong unan at kumot
'Pagkat hanging nag-iikot ay hindi mapag-imbot.

Hanging naglilibot ako sana'y patawarin
Kung kanina ako'y galit, ako'y bigyang paumanhin
Ako na'y mahihimbing mula sa aking pag-gising
Maraming salamat sa iyong pagdating.

Nais ko sanang sumama sa iyong paglalakbay
Dalhin mo ang aking isip, sa iyo ay isakay
Sa himpapawid ang isip ko'y maglalakbay
Habang katawan ko'y payapang nahihimlay.

Hanging naglilibot, ikaw ang nagbibigay
Ng mapayapang gabing sa aming minsa'y nawawalay
Ang tula kong ito sana'y iyong tanggapin
Mag-ingat sa paglalakbay, kaibigan kong hangin.
[Continue reading...]

Saturday, May 7, 2011

Sa Harap ng mga Patay-Sinding Ilaw

- 0 (mga) komento
Sa Harap ng mga Patay-Sinding Ilaw

Ang mga kamay ng orasan ay nakatutok na naman
Sa buwang nagniningning doon sa kalangitan
Habang ang hangin, unti-unting lumalamig
Sa paglalim ng gabi, simula pa lang ng kasiyahan.

Tumingin ka sa labas at makikita mo
Ang mga taong papalapit, papunta sa lugar na ito
Mag-iinom, magsasayaw, magdidiwang at magsasaya
Maglalaklak hanggang sa magsuka, bukas wala ka nang pera.

Bago ka makapasok, ika'y kakapkapan
Ng guwardiyang nakabantay na hangad ay kaayusan
Ang laman ng iyong bag ay kanyang titingnan
Baka may patalim, maaari bang malaman?

Pagtapos kapkapan kung may patalim
Ikaw ay gagabayan 'pagka't medyo madilim
Papunta sa mesang nais mong puwestuhan
Oras na upang pumili ng nais mong lantakan.

Sa kapirasong papel na pinatigas ng plastik
Ay pilian ng mga pagkaing sa kolesterol ay hitik
Nariyan din ang mga inuming sa iyo'y lalasing
Tingnan muna ang pitaka bago ka humiling.

Ilang sandali lang, iyan na't paparating
Inumin at pulutan na iyong hiniling
Kung may kailangan pa'y huwag mahiyang magsabi
Pagka't mga nakatayong nakaputi ay handang magsilbi

Iyong pagmasdan ang mga patay-sinding ilaw
Walang ibang inaakit kundi ikaw at ikaw
At iyong pakinggan ang tugtog na umaalingawngaw
Ilang dagundong pa ba'ng kailangan upang ikaw ay sumayaw?

Ayan na nga't ikaw ay napatayo
Sa dagundong ng tugtog ikaw ay napabayo
Sabayan mo na ang mga taong umiindak
Iwanan muna sandali ang boteng nilalaklak

Patungo sa gitna, kasabay ng marami
Ikaw ay sumasayaw at wala kang paki
Kung ano mang sayaw ang dikta ng iyong katawan
Ang mahalaga'y dama mo ang alingawngaw ng kapaligiran.

Habang sumasayaw ay iyong nalilimutan
Mga problema mo, sa labas iyong iniwanan
Sa harap ng mga patay-sinding ilaw ikaw ay masaya
Nagsasayaw kasama ang mga hindi mo kilala.

Ngunit tadhana nga nama'y sadyang malupit
Problema mong tinatakasan ay pilit kumakapit
Sa pagpasok mo pala'y meron sa'yong nakakita
Isang testigo sa ginawa mong trahedya.

Kanyang nakita ang ginawa mo sa dilim
Doon sa iskinita nang magtatakip-silim
Saksi sa inyong hindi pagkaka-unawaan
Na humantong sa isang madugong bakbakan.

Ilang suntok at ilang tadyak ang inabot nya sa iyo
At umpog sa pader na sa kanya ay humilo
Duguan na't baldado ngunit 'di ka pa kuntento
Sa galit mo ay pinaghahampas mo pa ng tubo.

Sa iskinitang iyon ay may napupunding ilaw
Patay-sindi tulad din doon sa may mga nagsasayaw
Doon mo iniwan ang kawawang walang malay
Sa harap ng patay-sinding ilaw, siya'y binawian ng buhay.

At ngayong gabing ito, iyo nang malalaman
Ang paghahatol sa ginawa mong kalokohan
Dali-daling nagsumbong ang testigo sa nangyari
Kapatid pala ng parak and tao mong dinali.

Habang nagsasayaw sa gitna ng marami
Ay dumating ang parak na kapatid ng dinali
May galit sa mukha at may baril sa kamay
Mukhang nais kang pagbayarin sa kinuha mong buhay.

'Di na napigilan ng guwardiyang nakabantay
Ang pagpasok ng parak na tila may sungay
Ikaw ay tinanaw-tanaw sa loob ng sayawan
nang makita ka ay bigla kang tinutukan.

Ang bibig ng baril , sa batok iyong naramdaman
Tumigil ka sa pagsayaw at tiningnan ang likuran
Nakita mo ang mukha ng parak na may galit
Kahawig ng taong inihatid mo sa langit.

Bigla kang nanlamig at bigla kang namutla
Kitang-kita ang matinding takot sa iyong mukha
Katapusan mo na, iyan ang tangi mong naisip
Pagpapatawad ng parak ay hindi mo na masilip.

Isang putok ng baril ang huli mong narinig
Ni hindi mo na namalayan, paglagapak mo sa sahig
Nagtakbuhan papalabas ang mga nagsasaya
Sa harap ng mga patay-sinding ilaw kayo lang ang natira.

At unti-unting napanatag ang parak na may galit
Dahil hustisya ng ng kapatid ay kanya nang nakamit
Maya-maya pa'y ang parak ay lumisan
Magaan ang loob na dumiretso sa tahanan.

Sa harap ng patay-sinding ilaw, ikaw ay iniwanan
Tulad ng ginawa mo sa taong iyong napag-initan
Huli na ang lahat upang ito'y pagsisihan
'Pagkat sa harap ng mga patay-sinding ilaw, problema'y di matatakasan.
[Continue reading...]

Thursday, May 5, 2011

Pangarap Ko sa Bangketa

- 0 (mga) komento
 

Enero 17, 2011, simula ng midterm week namin. 6am na ko nakatulog kanina at gumising pa ko ngayong 9:00am para hindi malate sa test. 9:30 na ako bumangon, Naligo, naghanda. at umalis na ako ng 10:18. Tapos Sumakay ako sa jeep na pila doon sa kanto sa amin. Nananalangin na sana hindi ako malate at makapagrebyu pa. Doon kami ibinaba ng drayber sa isang kanto bago dun sa dapat namin babaan. Habang naglalakad sa bangketa patungong tapat ng KP tower, nakakita ako ng diskman. isang portable disc player na hinihiram ko pa noon sa kaklase ko noong hayskul pa ako. Minsan ay inaarkila, o isinasangla sa akin. Naaalala ko pa noon, ang dala-dala kong music player ay ang tape recorder ni papa na sinlaki ng libro ng MAPEH na itinago ko noong hayskul (at nasa akin pa hanggang ngayon). Sa tulong ng pinagkabit-kabit na kurdon at pinagdikit-dikit na mga electrical tape, pinatutugtog ko ang mala-C4 na tape recorder na iyon at nakikinig kami ng eraserheads. Sa sobrang desperado namin na makinig ng musika, mas marami pa ang may walkman kesa sa may mp3 player. Kahit nagtya-tyaga sa de-bateryang AA na walkman, masaya pa rin makinig ng musika, kahit na kailangan mo pa maghanap ng masasaksakan para makapag-charge. Kung wala naman, bibili na lang ng isang pack ng battery na bente pesos-apat ang laman. Minsan nakababadtrip dahil ang bilis maubos ng battery, pero gano'n ang aming pagsa-soundtrip. Dahil 90's ang tugtog na umaalingawngaw sa aming mga pandinig, 90's din ang istilo ng pagsa-soundtrip.

Wala akong walkman noon, kundi tape recorder lang na kailangan ng anim na size A na battery (yung malaki) para mapatugtog, kaya nagdadala ako ng adaptor. Gustong-gusto ko magkaroon ng discman noon, at pakiramdam ko mayaman na ako kapag nagkadiscman ako. Mahilig akong makinig ng tugtog at mahilig maglakbay gamit ang bisikleta. Nagtya-tyaga rin ako sa mumurahing radyo noon(yung tig-sisingkwenta pesos na radyo na mp3 player ang design). Tinawag ko itong MP3K - MP3 Player Kunwari, dahil sa design nitong mp3 player kahit radyo lang na mahina o pangit ang signal at may flash light na LED. Tulad ng walkman at iscman, de-baterya rin ito ngunit mas matagal ma-lowbat dahil mas mahina itong gumamit ng battery kaya mas matagal ko itong nagagamit. Napakadesperado kong magkaron ng discman, dahil ang mga paborito kong tugtugin ay mga nasa CD. At mas gusto ko ang discman dahil mas gusto ko ang quality ng tugtog kapag nanggagaling sa CD na original (oo bibili rin ako ng original na CD 'pag nakaron ng pambili) kaysa sa mp3 player. At mas may halaga ang biniling CD dahil nahahawakan mo ito, natititigan hanggang sa matunaw, at maaari mo pang iregalo kumpara sa tugtog na ipinadownload mo lang sa computer shop na kapag nagsawa ka na o kailangan mo na ng memory ay buburahin mo na sa player mo. Kung CD (o kahit cassette tape na orig), kapag nagsawa ka, itago mo lang sa ligtas na lugar (yung hindi makikita ng mga nanghihiram pero hindi nagsasauli). Pag tagal-tagal, ang CD o tape na iyon ay mas mataas na ang halaga dahil mahirap nang humanap ng katulad no'n, hindi lang iyon kundi sentimental value pa, dahil maaalala mo ang mga panahon na pinatutugtog mo iyon kapag malungkot ka o kapag magkasama kayo ng dati mong GF, o kapag iniimagine mo na sana magkasama kayo, etc.

Ngayon meron na akong mp3 player, pero gusto ko pa rin magkaroon hanggang ngayon ng Discman. Gusto ko sanang bilhin ang discman na nakita ko ngunit hindi ko alam kung gumagana pa iyon o hindi. Ang noo'y pinapangarap kong discman nasa bangketa na lang ngayon at binebenta sa murang halaga, sa halagang makikipagsapalaran ka kung ayos ang bibilhin mo o hindi. Hindi ako natuwa sa nabili kong mp3 player dahil hindi nito naabot ang inaasahan kon quality. Ang sabi 2GB ang memory, pero 1/4 lang nito ang pwede mong mapakinggan. Ang mga sosobra sa 1/4 ng 2GB, hindi mo na mapapakinggan dahil macko-corrupt ang mga kanta. Meron na rin akong original na CD. Fruitcake - album ng eraserheads, binigay sa akin ng aking GF. At masaya ako nang magkaron ako ng original na cd. Sa sobrang ingat ko, hindi ko pa rin ito pinatutugtog hanggang ngayon at nakatabi lang sa aking drawer. Isa sa mga araw na ito, sisiguraduhin kong makabibili ako ng discman, at sana ang araw na iyon ay malapit na.
[Continue reading...]
 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger