Saturday, July 9, 2011

May Halagang Pulubi

May Halagang Pulubi

Isang araw, papasok ako sa iskul. Sumakay ako sa kulorum na jeep. Bumaba ako doon sa may "Bawal tumawid dito, may namatay na" at tumawid papunta sa kabilang kalye. Hindi naman talaga ako dapat doon bababa, lumagpas lang ako. Habang naglalakad papasok sa isang makasaysayang lugar, natatanaw ko ang isang pulubi na namamalimos. Nilalapitan niya ang bawat taong nakasasalubong niya. Marumi, sira-sira ang damit, puro putik ang mukha, magulo ang buhok (o baka hairstyle niya iyon), nilalangaw ang sugat sa paa (o baka kasabwat niya ang mga langaw), at mabaho ang kanyang amoy. Tiyak na kamumuhian mo siya kapag hinawakan ka niya. Naawa ako, kaya dumukot ako ng barya sa bulsa ng pantalon kong butas bago ko pa man siya makasalubong. Paglapit niya sa akin, ibibigay ko na sana ang baryang dinukot ko kung hindi lang siya nagsabi ng:

Pulubi: "kuya pahingi naman ng tatlong piso..."

Aba may presyo. Hindi ko na ibinigay ang baryang nadukot ko. Hindi ko alam kung magkanong barya ba ang nadukot ko. Kung sampu, lima, o piso. Basta, hindi ko na ibinigay dahil sa kanyang presyo. Paano kung piso pala ang naiabot ko? Baka hindi pa tanggapin. Hindi ko alam kung bakit kailangan may presyo pa ang iaabot mo sa isang nagpapaawang pulubi. Marahil meron siyang kotang hinahabol na dapat maabot kundi magagalit ang amo nila na nagbibigay ng mga props nila at costume. Maaari rin isa siyang tao na nagko-conduct ng survey sa mga tao kung magbibigay ba ang mga ito ng pera kung may presyo na ang mga pulubi o hindi. O isang undercover agent na hinahanap ang taong magbibigay ng tatlong piso sa kanya dahil ito ang palatandaan ng suspek. Kung sino pa man siya, isa pa rin siyang may-halagang pulubi na kailangan kumita ng tama at naaayon sa kanyang begging fee.

2 (mga) komento:

PLMayer said...

HAHAHHAHHAHA MAY PReSYO. sa Round table yan no?

W said...

Sa may cityhall

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger