Wednesday, July 13, 2011

Portable Life

Portable Life



Noon wala akong alam sa kompyuter. Wala. Pero alam ko kung ano ang kompyuter. Nakikita ito sa mga opis at ginagamit pang-type at pang-gawa ng mga assignments ng mga estudyante. Una akong nakahawak ng keyboard at mouse grade 6 ako, at ang alam ko lang microsoft word. Pati cheat planet tsaka sfogs. First year hayskul, nakahawak ulit ako ng kompyuter. Para bang unang beses ko ulit makahawak dahil nahihirapan pa ko gumamit ng mouse. Nanginginig pa kamay ko, siguro dahil malamig doon sa computer lab ni sir ombao, o dahil .... syet nakahawak ako ng mouse! Sabi tuloy ng esti doon (student teacher) "mahirap ba gumamit ng mouse?" Nakita niya kasi nanginginig ako habang hina-highlight yung maling spelling sa word tapos pipindutin yung delete sa keyboard. Napagisip-isip ko puwede naman pindutin na lang yung backspace nagpapakahirap pa 'ko. Pero enjoy naman ang bawat activity na pinagagawa. Doon din ako unang nakahawak ng diskette. Pakiramdam ko nga haytek na ko, may disket na ko, kahit wala naman akong kompyuter pa noon sa bahay. Bente pesos pa noon ang isang oras sa mga computer shop. Minsan 25 per hour kapag internet, bente kapag games lang.Hindi pa masyadong uso ang kinse isang oras. Tapos limang piso ang paprint ng short bampeyper (bond paper), yung sa dot matrix na printer (yung eeeek-eeek-ek-eeek ang maririnig mo habang nagpiprint). Pagka laserjet o inkjet otso hanggang sampumpiso per page na short. Black and white lang yun. Pag colored bente ang minimum. Pero kahit ganoon kamahal pa ang mga presyo sa mga computer shops, maginhawa naman habang nasa kompyuteran ka. Wala pang mga makukulit na mga kostumer na bigla na lang umuutot with sounds habang nakaheadset sila. Wala pa rin yung mga naninigarilyo sa loob tapos may ashtray na dala. Wala pa yung mga maiiingay at magugulong naglalaro. Meron lang mga tahimik na nagtatype ng mga assignnment, ng resume, tsaka mga gumagawa ng project.

Third year hayskul, bihasa na ko sa pag-copy paste sa word. May alam na ko sa kompyuter. Cold boot, warm boot, firefox, at may nadagdag - powerpoint. Pero wala pa rin kaming kompyuter sa bahay. Nagrerent lang ako sa labas. Kinse pesos na lang ang isang oras kaya umiingay na sa mga kompyuter shops. Bumabaho dahil sa mga naglalarong hindi naliligo. Naglalaro ng counter strike pero pawis na pawis na akala mo sila mismo ang tumatakbo at nakikipagbarilan.

September 2006, nadiskubre ko ang mediafire. Isang napakalaking milestone pagdating sa aming magbabarkada na mahilig magdownload. Naghahanap kasi si papa noon ng tutorials sa pagrerepair ng cellphone tapos mediafire ang link na nakita namin. Di ko na pinatagal at nagregister ako. Kinabukasan ibinahagi ko ang magandang balita at naglevel-up kami ng mga araw na iyon. Wala pa kaming kompyuter, pero may disket. Sa diskette na 1.44MB ang capacity, doon ko inilalagay ang mga assignments na pinagagawa sa amin. Hindi kasya dito ang isang megaman zero na gba rom (badtrip). Pero saan nga ba nagsimula ang aming portable life?

Hindi ito nagsimula sa mediafire, kundi sa savefile.com. Muntik ko nang makalimutan, savefile.com. Isa itong file hosting site na nadiskubre naman ni ron bago ko madiskubre ang mediafire. Kung wala kang flash drive o diskette, file hosting sites ang sagot. Naaalala ko pa noon, wala akong flash drive at si ron pa lang ang meron sa amin, dinownload ko sa mediafire ang report ko sa TLE na nakapowerpoint. Matagal magdownload kaya hinintay namin ito ng mga 15 minutes (puro kasi GIF at AVI ng megaman ang nakalagay sa powerpoint). More convenient than email dahil 100mb ang limit ng filesize kapag maguupload ka. Sa email 25mb lang. Kaya mediafire ang nagin online storage ko. Simula pa lang iyan ng aming portable life.

Fourth year hayskul, nakahiram ako ng usb na 1GB, pero nasira ko rin kasi na-krag.exe eh. Ewan ko kung paano nasira ng virus yun. "I'm krag.exe. I'm in your portable." Badtrip andami ko nang warez files doon. Pero nagkaroon din agad ako ng sarili, 2GB pa hahaha. Meron na rin kaming farmer's pc. Ang yabang ko pa noon dahil 2GB ang USB ko, si tantan 1GB, si ron 512. Dito na nagsimula ang sunod-sunod na aming pagkamulat. Nauso sa amin ang pagkokonvert ng FAT32 to NTFS ng usb dahil mas mabilis ang ntfs kaysa FAT32. Pagtapos ng youtube download milestone, tsaka file hosting site milestone ay ang pagkakaroon ng sarili naming mga browser. Ang portable browsers. Ang unang nakahiligan kong portable browser noon ay IE, pero lumipat rin ako ng Firefox dahil wala naman talagang portable na IE. Natry ko rin ang safari pero malakas gumamit ng ram. Wala pang google chrome noon. Opera pa ang pinakahighest rated browser noon (pero ilan lang ang gumagamit dito sa pilipinas).

Todo tweak, todo costumize, todo optimize. Search lang ng search ng tweaks hanggang sa maabot ang pinakamabilis na kaya ng aming browser. Bookmark lang ng bookmark ng mga site na mapakikinabangan. Save lang ng save ng download link sa textfile. Store na lang ng mp3 sa usb, huwag nang mag-imeem dahil dagdag lang ito sa bandwidth. At pag lalabas na ng computer shop, unang titingnan ang usb kung nakasaksak pa ba sa cpu o naitabi na. Ganito ang buhay naming walang internet sa bahay. Portable life. Buhay namin ang aming usb/flash drive. Nasa usb ang lahat ng aming maipagmamalaki. Para bang nasa usb ang lahat ng pangarap namin. Nakakatawa pero ganoon kahalaga ang usb para sa amin noon. Mas mahalaga pa sa wallet. Naalala ko noon na halos mabaliw na ako nang masira ang usb na hiniram ko. Pati yung nawala ko. Isang linggo akong nagluluksa dahil sa 'king hindi pag-iingat.

Hindi lang firefox ang portable sa amin noon. Meron pang portable na kaspersky, portable na nod32, portable na IDM, portable na foxit reader, itunes, at marami pang iba na hindi ko na matandaan. Para kang may dalang sariling program files tsaka my documents sa usb mo. Isama mo pa ang vista inspirat at vista transformation pack na ipinagyayabang pa namin. Na akala namin puwedeng gawing reaserch paper - "XP to Vista transformation pack!". Na palagi kong tinetesting sa mga computer shop na napagrerentan ko dahil tuwang tuwa akong nakikita ang vista interface ng isang xp system.

Sa ngayon, medyo nawala na ang pagkahayok ko sa pagda-download dahil sa dami ng mga pinagagawang project. Mula sa pagdidirect download ng walang premium account, hanggang sa pagyu-UseNet, hanggang sa pagtotorrent na lang. Ngayon torrent na lang ang inaasahan ko dahil may internet na kami sa bahay. Dati ang tingin namin sa torrent, isang pinakadesperadong paraan para magdownload. Pero ngayon natuklasan ko, ang torrent ay para sa mga average computer users na gustong magdownload ng kung ano-ano sa madaling paraan, sa paraan na hindi na sila mahihirapan. Kaso kung sa una pa lang napamahal na kami sa torrent, tiyak wala nang progress na magaganap.

Pag wala sa torrent, hahanapin ko sa direct download. Maghahanap ng rapidshare link, (o kaya mediafire), tapos hahanap ng transloader, at magda-download ng parang may premium account dahil sa bilis at concurrent downloads gamit ang IDM. Maya-maya may sisigaw na sa computer shop, "HOY SINO BA YUNG NAGDDOWNLOAD DIYAN?!". Patay-malisyang itatago ang IDM sa system tray tapos pag nagtime, hindi na mageextend dahil baka mabugbog ng mga sigang nagdodota.

Masayang magtuklas ng mga bagay lalo na't nalaman mong gutom ka pa sa mga kaalaman dahil napakalawak ng internet para tumigil ka sa paglalakbay. Noon, ang internet para sa amin ay lahat na. Para bang nasa iyo na ang lahat kapag may internet ka. Hahanapin mo na lang. Pera? Tao? Nasa internet, hanapin mo lang. Maging hacker ka at mapapasayo ang lahat. Ang tanging kailangan mo lang ay oras at kagustuhan mong makamit kung ano man ang hinahanap mo sa buhay.

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger