Wednesday, July 6, 2011

Noob Syndrome

Noob Syndrome

Carpal Tunnel, Insomnia, degraded vision. Ilan lamang 'yan sa mga sakit na idinudulot sa atin ng pagkaadik natin sa kompyuter. Pero meron sakit na nauuso noon pa man, ngunit ngayon lamang natuklasan - ang Noob Syndrome (a.k.a. Illiterate Syndrome).

Kung tatlong taon ka nang gumagamit ng kompyuter pero hindi mo pa rin alam ang shortcut key ng copy at paste, o hindi mo pa rin alam kung ano ang web browser, ikaw ay meron nang noob syndrome. Hindi ito nakamamatay ngunit isa itong malubhang sakit na kailangan gamutin. Isa itong sakit na kapag dumapo sa iyo ay mahihirapan ka nang mag-adjust para sa mga bagong kaalaman na dapat mong malaman. Hinaharangan nito ang bawat impormasyon na dapat alam mo na sa ngayon kaya nakapagdudulot ito sa iyo ng kamangmangan tungkol sa isang bagay, kahit ang bagay na iyon ay matagal mo nang ginagamit. Bina-block nito ang iyong learning curve o ang iyong interes na matuto hanggang sa ikaw ay manatiling nasa ganyang kalagayan habang-buhay. Pinatitigil ka nitong magkaroon ng interes na malaman ang isang bagay na hindi mo alam. Halimbawa ay nasa harap ka na ng internet pero hindi mo alam ang gagawin mo kapag pina-install sa iyo ang winrar. O kaya naman ay pinagbubukas ka ng web browser pero nakatulala ka lang. O kaya naman ay anim na buwan ka nang walang tigil sa kalalaro ng dota pero 'pag nakipaglaro ka sa mga kaibigan mo ay balagong ka pa rin, walang nagbago kumpara noong tinuruan ka pa lang maglaro. Isa pang halimbawa ay sampung beses ka nang nasiraan ng kompyuter pero hanggang ngayon nagtatawag ka pa rin ng taga-format. In short, wala ka nang natututunan sa iyong mga ginagawa dahil sa noob syndrome. Dahil dito ay nahihirapan ka nang sagutin o hanapin ang sagot sa mga tanong na "ano", "paano" at "bakit".

Ang Noob Syndrome ay madaling nakukuha sa mga social networking sites at iba pang mga nakaaadik na bagay sa kompyuter tulad nito dahil simula sa maadik ka sa isa sa mga ito ay mahu-hook ka na dito at sasakupin na nito ang buong lawak ng isipan mo hanggang sa mawalan na ng lugar para sa iba pang mga impormasyon.

Good News! Ang noob syndrome ay nagagamot. Sa pamamagitan ng pagpilit sa iyong sarili at pagtanggap na kailangan mong buksan ulit ang iyong isipan tungkol sa mga bagay-bagay, maaaring mapuksa ang lumalala mong noob syndrome. Kumonsulta sa pinakamalapit mong kaibigan na palagi sa iyong nababadtrip dahil sa iyong kakulitan magpaayos, o sa pinakamalapit na kompyuter shop at mag-wikipedia. Ugaliing sagutin ang mga tanong na gumugulo sa iyong isipan sa pamamagitan ng paghahanap ng sagot gamit iyong bukas na isip, mga mata at kamay. Kung hindi sapat ang pang-internet, magtungo sa mga silid-aklatan at magbasa (hindi magpuslit) ng mga libro. Maaari ka rin bumili ng sarili mong aklat ngunit huwag nang ipagkalat sa mga kaklase at kaibigan dahil malamang baka hindi na ito maisauli sa iyo. At ang pinakamahalaga sa lahat, tulungan mo ang iyong mga kakilala at kaibigan na nangangailangan ng therapy laban sa noob syndrome.

Kaya natin labanan ang noob syndrome. Huwag natin itong palalain tulad ng kanser na nakamamatay.

"Bigyan mo siya ng isda at siya'y may kakainin sa isang araw. Turuan mo siyang mangisda at siya'y may kakainin habang-buhay."

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger