Friday, October 28, 2011

Bumabaha ng Sasakyan

Kapag umuulan, masarap matulog. Malamig. masarap mag,... matulog. Ang sarap itigil ng mga gagawin. Ang sarap mamintana at pagmasdan balutin ng mga patak ng ulan ang kapaligiran. Hanggang sa antukin ka at makatulog sa lamig na dala ng hangging naglilibot. Lalo na't sususpendihin ang klase, ang sarap mamahinga dahil nabiyayaan ka ng pagkakataon na pagpahingahin ang katawan mong bugbog sa walang humpay na mga gawain. Ang sarap talaga kapag umuulan.




Pero kapag inabutan ka ng malakas na ulan sa labas ng tahanan, sa biyahe, o habang pauwi, malaking problema ang naidudulot nito sa atin. Maraming pangyayaring hindi kaaya-aya ang nagaganap. May mga bus na nalalaglag sa fly-over, may mamang inaanod sa drainage, at may bahay na nagmimistulang palamuti sa aquarium ng mga basurang lumalangoy. Lahat iyan ay dulot ng malakas na ulan.




Dito sa atin, kahit katamtaman lang ang lakas ng ulan, bumabaha kaagad. Bumabaha ng tubig, bumabaha ng tao sa sidewalk, at bumabaha ng sasakyan sa kalsada. Pansinin mong mabuti. Kapag umuulan, nadaragdagan ang mga sasakyan sa kalsada. Biglang naglalabasan lahat ng klase ng sasakyan hanggang sa tumigil ang daloy ng trapiko. Samantalng nakasilong naman ang mga tao at hindi sila nagtatampisaw sa baha pero ang bilang ng mga sasakyan ay bigla na lamang dumarami kapag umuulan. Para bang ang lahat ay gusto ng libreng car wash. Marahil dahil nga ito sa baha, kaya bumabaha rin ng sasakyan. Kaya minsan kapag umuulan, trapik sa buong metro manila, at nawawala lamang ang trapik kapag tapos na ang ulan. Normal naman ang trapik kapag araw (at kapag swerte ka) pero kapag bumubuhos na ang ulan, bigla na lang nagsusulputan ang mga sasakyan sa paligid na parang mga kabute. Imbis na tubig lang ang bumabaha, pati mga sasakyan na rin. Mas nauuna pang bumaha ng sasakyan kaysa bumaha ng tubig. Dahil dito, marami ang napeperwisyo. Marami ang naiistranded sa biyahe. Tila naglakbay sa oras ang mga tao sa tuwing bumabaha ng sasakyan. Nagiging time machine ang mga kalsada sa tuwing tumitigil ang daloy ng trapiko. Sa apat na kilometrong byahe, posibleng mapunta ka sa hinaharap makalipas ang apat na oras mula nang bumiyahe ka. Kung umalis ka ng alas-singko, pagdating mo alas-nuebe na. Ang galing no? Ang bilis ng oras. Naranasan ko yan eh.


 Ang pagbaha ng sasakyan dulot ng mga taong lumalabas ang tunay na ugali kapag nagsimula nang umulan. Nagiging mas makasarili dahil sa pagmamadaling makapunta sa paroroonan. Sila ang mga hari ng kalsada. Mga motoristang bumili ng sasakyan para sumikip ang mga kalsada. Sila ang mga hindi marunong magparaya kapag nagkaka-trapik. Sila rin ang nagbibigay ng pang-meryenda at panigarilyo sa mga pulis. Sila ang batas ng lansangan, at ang tanging nakikita nilang kulay sa ilaw-trapiko ay berde. Kinukulayan nila ng maitim na usok ang hangin, wala silang pakialam anuman ang mangyari. At kapag nabundol ka, swerte mo na lang kapag hindi ka pinagbayad sa gasgas na idinulot mo sa sasakyan nila.




Kailan kaya darating ang panahon na hindi na uso ang mga bagay na nakasisira sa ating kapaligiran? At ang teknolohiyang nagtuturo ng kawalang-disiplina? Marahil kailangan pa natin maglakbay ng malayo sa oras, o kaya ay kumilos na tayo ngayon bago pa mawala ang oras na pinaglalakbayan natin.


Matagal ko na 'tong sinulat, ngayon ko lang tinype. Hinintay ko kasi umulan ulit para uso. He. He.

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger