Ilang linggo na rin ang lumipas bago ulit ako makapagpost ulit ng entry dito sa blog. Masado kasing abala sa pamamahala ng time pressure.
Sa bawat lugar na mapuntahan ko, merong mga tao na may suot na malalaking damit, mga lawlaw na di mo alam kung short o pantalon, makikitab na stainless at silver, may hawak na gadget at nagpapatugtog ng tulang nilapatan ng beat. Nakatambay lang sila sa araw-araw at nagkukuwentuhan. Paminsan-minsan ay nag-iinumsn. At kung pupunta ka sa amin ng hating-gabi, sila yung makikita mong nakakumpol na tambay sa kanto.Tanong ko lang, saan sila kumukuha ng pera?
Araw-araw nakikita ko silang nakatambay. Walang ginagawa at nagkukwentuhan lang habang nagsosoundtrip. May hawak silang ipod/chi-pod/mp3/mp4 player na may malakas na speaker. Sa dis oras ng gabi, nagpapatugtog sila ng gano'n kalakas, at minsan ay nag-iinuman pa na mas nakabubulabog sa mga natutulog. Paano sila nabubuhay kung araw at gabi silang tambay?
Sa pang-iisnatch? Sa pandurukot? Sa pagbabantay ng computer shop at hamburgeran? Sa panghoholdap? Sa pagpapadyak? Marahil isa sa mga ito ang ikinabubuhay nila. Pero bilib talaga ako sa kanilang survival sa mundong ito. Sa hirap ng buhay ngayon ay may panahon pa rin para sa kanila na tumambay. At imbis na mag-extinct, lalo pa silang nagpopropagate. Lalo pa silang dumarami sa kalsada imbis na maubos at mamatay sa hirap ng buhay.
Isa marahil sa dahilan ay hindi sila pressured. Sa pamamagitan ng pagtambay. Sa pamamagitan ng pagtambay, nakapag-iisip sila ng maayos kung paano sila didiskarte para mabuhay. Merong storage sa kanilang tiyan na ang isang meal ay tumatagal ng isang linggo. Merong resource management ang kanilang katawan na namamahala ng kanilang sustansiya at lakas. At dahil sa pagtambay, natitipid nila ang lakas nila at ginagamit lamang nila ito kung kinakailangan lamang. Kumpara sa isang empleyado ng gobyerno na minimum ang sweldo, na araw-araw ay pagod at kulang ang kinikita, ang mga taong ito ay nananatiling malakas sa buong araw at ang kinikita ay sumosobra pa kaya may pambili pa sila ng alahas, mga electronic gadgets, pang-inom at panggimik kapag may okasyon (halimbawa bertdey ng kaibigan ng pinsan ng tiyuhin ng isa sa kanila). Kung tayo, kailangan natin magtrabaho para mabuhay, sila kailangan nilang tumambay para mabuhay. Kung ganito lang kadali ang mabuhay, lahat na siguro ng tao katulad na nila, pero hindi, dahil hindi naman lahat ng tao ay hobby ang pagtambay.
Sa susunod na makakita ka ng mga tambay na ito, huwag mo silang maliitin sapagkat kaya nilang mabuhay nang walang ginagawa at ikaw ay hindi. Napagkalooban sila ng matinding survival instinct kaya mananatili silang buhay sa bawat kanto at kalsada. Kaya kung gusto mong mapadali ang buhay mo, sumama ka sa kanila at damayan sila sa kanilang pagtambay. Maging bahagi ka ng kalsada na itinuturing nilang kaharian.