Tuesday, June 14, 2011

Pancit Canton The GK Way

Pancit Canton The GK Way

Mahilig ka bang kumain ng Lucky Me! Pancit Canton at iba pang mga instant noodles? Kung ganoon, para sa iyo ang blog entry na ito. Kung hindi naman, edi hindi. Marami sa atin mahilig kumain ng instant noodles lalo na kapag wala nang choice. Meron ding mga pinalaki sa Lucky Me! at Pancit Canton. Naging bahagi na ng buhay ang instant noodles dahil sa dali nitong lutuin. Kahit grade 1 kaya ang magluto nito. Magpakulo ng tubig, ilagay ang noodles, hintayin, isala at haluin. Sa simpleng instructions na ito, meron ka nang masarap na noodles na mas mabilis pa sa pagsasaing.

Pero ang pagkain mo ng pancit canton ay lalo mo pang maeenjoy sa pamamagitan ng aming trick na ibabahagi ko sa inyo ngayon. Pancit Canton the GK Way - Ito ang klase ng pagluluto ng pancit canton na talaga namang mabubusog ka kahit isang pouch lang ang lutuin mo. Mas effective ang paraang ito kung kayo-kayong magbabarkada ang kakain, dahil ang konsepto ng teknik na ito ay paramihin ang noodles. Mas dumarami ang noodles kapag mas maraming pouch ang lulutuin ng sabay-sabay.

Kapag ginamit mo ang teknik na ito, lima hanggang sampung bahagdan ng noodles ang madadagdag sa bawat pouch na lulutuin mo sa isang kaldero. Mas tipid, hindi ba? Samahan mo pa ng juice bilang inumin at solve na ang meryenda niyo habang nagkukuwentuhan o nagtatalo sa isang bagay.

Paano nga ba ginagawa ang pancit canton the gk way?
Heto ang step-by-step procedure ng aming sikreto:
1. Bumili ng pancit canton o katulad na instant noodles sa inyong suking tindahan.
2. Habang nagpapakulo ng tubig, buksan ito ngunit huwag sisirain ang pouch at panatilihin itong maayos. Ilabas lamang ang seasoning.
3. Dahan-dahang durugin ang noodles sa pamamagitan ng pagpisil-pisil nito sa pouch pero yung hindi masyadong durog na parang pinulbos mo na ang noodles, 'yung parang salamin lang na nagkapira-piraso.
4. Ilagay ang noodles sa kumukulong tubig at pakuluin sa loob ng tatlong minuto.
Tip: Kung whistle pot ang ginagamit mo sa pagpapakulo, ilagay ang noodles kapag narinig mo na ang notang 'Mi'. Huwag muna ilagay kung 'Do' pa lang ang narinig mo na karaniwang nauunang tumunog. Kung kaldero naman, huwag muna ilagay ang noodles kapag hindi pa masyadong kumukulo o bumubula. Ilagay ang noodles kapag kulung-kulo na ang tubig.
5. Habang naghihintay, ihanda na ang seasoning sa isang pinggan o bowl. Haluin ito ng mabuti.
6. Salaing mabuti ang noodles ngunit ingatang may matapon habang nagsasala.
7. Paghaluin ang noodles at seasoning sa pinggan o bowl.
8. Ngayon ay handa na ang pancit canton!
Tip: Huwag kalimutang mamigay kung may inggiterong nanghihingi. Alukin ang mga taong nasa paligid upang hindi pagkamalang maramot (80% probability, tatanggi naman 'yan kapag inalok).

Hindi lang nagmukhang marami ang pancit canton sa pamamagitan nito, naging mas madali pa itong kainin dahil naging buhaghag ang noodles.
Subukan na ang teknik na ito at nang makita mo ang kaibahan!

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger