Tuesday, September 3, 2013

Ulan




Simoy ng hangi'y tila lumalamig
Pakinggan mo ang langit ito'y yumayanig
At ang mga patak hindi mo ba naririnig?
Unti-unting binabalot ang paligid ng lamig


Ihip ng hangin bahagyang lumalakas
Ipasok mo na ang mga sinampay sa labas
Bago pa man mga ito'y liparin sa lakas
O mabasa ng ulan at sambitin mong 'malas!'


At heto na nga't ang ulan na'y bumuhos
Hindi mo alam kung kailan matatapos
Kaya't pagbuhos ng ula'y iyo munang pagmasdan
At subukan magbilang ng mga patak ng ulan


Ang bawat lupang nauuhaw ay dinidiligan 
Binibigyang buhay ang mga halaman
Na madalas sinisira't pinapabayaan
Dinidiligan ngayo't inaalagan


Kung nalulungkot ka'y subukan mong lumabas
At damhin ang mga patak ng ulang lumalakas
Luha mong pumapatak ay isabay sa pag-ulan
At hayaang damdamin mo rin ay mahugasan


Sadyang napakalamig, at sadya ring kabaligtaran
Ng pag-ibig mong nag-aalab, ginaw na dulot ng ulan
Sa dilim ng gabi, at sa gitna ng daan
Hayaan ang damdaming nalulungkot na mahugasan


Tulad ng mga halaman na mananatiling buhay
Dinidiligan pagka't sila'y nagbibigay kulay
Sa buhay na matamlay tulad ng pag-ibig na tunay
Na wala nang hihigit pa kung ito'y iyong iaalay


At ngayong ula'y unti-unti nang tumitila
Ihip ng hangin ay bahagya nang humihina
Sa pagtila ng ulan madarama mo na nang payapa
Katahimikan sa paligid ay katahimikan din sa diwa


Makinig sa ibang mga tugtugi't awitin
Anila sa tuwing umuulan, araw ay sisikat din
Ay tulad din ng mga pagsubok at suliranin
Na kung darating ma'y tiyak na malulutas din


At sa bawat simula ay naro'n din ang hangganan
Ngunit sa bawat hangganan ay may bagong simula naman
Na tila ay nagsasalit-salitan lamang
Ngunit may natututunan sa bawat paghakbang.

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger