Monday, August 13, 2012

Blackout




Minsan, dumarating ang mga pagkakataon na kayrami mong gustong isulat. Marami kang nais maitala sa iyong mahiwagang kwaderno. Ngunit sa oras na hawak mo na ang paborito mong pluma upang magsulat, unti-unting naglalaho ang mga salita. Unti-unti silang nawawala hanggang sa ma-blanko ang isip mo nang wala kang naisusulat. Tapos pipilitin mong magsulat kahit papaano. Kahit na dugo na ang dumaloy sa tinta ng bolpen mo, pilit mong hinahanap ang mga salitang basta na lamang naglaho na parang bula. Pero kahit na makabuo ka man ng isang talata, buburahin mo pa rin ito dahil hindi naman ito ang mga salitang nais mong lumapat sa iyong kuwaderno. Pinipilit mo ang sarili mo. Pinipilit mo pa rin na magsulat ka tungkol sa bagay na nakalimutan mo na, kaya't heto at gumagawa ka ng ikalawang talata.

Sa ikalawang talata, mas medyo mahaba kaysa sa nauna, ay walang dating kaya naman pinunit mo na lang ang pahina. Nilukot, nilamukos, at inilagay sa basurahan.

Hanggang ngayon, hindi ka pa rin sumusuko. Hindi ka papayag na wala kang matapos ngayong nais mong magsulat kahit na wala ka namang maisulat. Kaya naman naisipan mong ibahin na lang ang tema at haayan na lang ng kusa na bumalik muli ang mga salitang naglaho bago ka pa man makapagsulat.

Sa ngayon ay nasa ikalawang pahina ka na ng mahiwaga mong kwaderno at tila malapit mo nang matapos ang natatangi mong akda. Pero kahit na alam mong nauubusan ka na ng mga salita, pilit mo pa rin itong pinahahaba nang pinahahaba nang pinahahaba para mas mahaba ang kalabasan. Sige lang ang lagay ng mga salitang hindi naman kailangan, pero tumigil ka rin nang mapansin mong kailangan mo na itong tapusin.

Ngayon ay nasa huling talata ka na ng iyong akda, at nakaisip ka na rin ng pamagat para dito. Ito na ang bahagi na kung saan tatapusin mo na ang iyong sanaysay at magbubuo ka na ng konklusyon o paglalahat tungkol sa isinulat mo ngayon. Naisip mong mahirap nga talagang magsulat lalo na kung wala ka namang pagmumulan ng isusulat mo. Pero hindi ito ang kaso mo, dahil meron ka namang pinagmumulan ng isusulat mo dapat, pero sa kasamaang palad ay naglaho. Dahil dito, pinamagatan mo ito ng "Blackout". Ito ang naging pamagat at tungkol ito sa pagsusulat na tungkol sa pagsusulat.


Isinulat ko po ito sa Library ng aming Pamantasan. Medyo umuulan po noon, naisipan ko lang magsulat, pero nung naupo na ko, biglang na-blanko utak ko. Maganda kasi magsulat kapag umuulan, nakagagaan ng mood. Ito yung kinalabasan.
 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger