Home » Now and Then » Time-Space Field Trip
Monday, July 30, 2012
Time-Space Field Trip
Tag-ulan na naman. Masarap matulog. Kaya ngayong tag-ulan, motivating maging tamad kasi masarap matulog. At naisipan kong matulog.
ZzZzzzzzZz....
At napuno ng tabinging letrang "N" ang silid sa aking paghimbing.
Isang araw, nagkaroon kami ng field trip. Field trip na kung saan lahat kami ay pupunta sa isang lugar na napuntahan na namin noon, no'ng mga mag-aaral pa kami. Na kung saan mga totoy at neneng pa kami, na puro kalokohan, puro trip, puro biro, puro kopyahan, puro hiraman ng bolpen at hingian ng papel. Sa katunayan, ang lugar na iyon ay puno ng alaala sapagkat dito nahubog ang aming pagkatao, marahil sapagkat dito namin ginugol ang apat na taon ng bawat araw namin na kami ay gising, at pagdating sa bahay ay tulog na lang gagawin. Walang iba kundi sa Ramon Magsaysay High School.
Hindi ko lubos maipaliwanag ang klase ng paglalakbay na ito dahil ilang taon na ang lumipas mula ng kami ay magtapos sa mataas na paaralang iyon (mataas iyon, siguro aabot 7th floor). At kapag sumama ka, babalik ang dati mong anyo noong nag-aaral ka pa. Papayat o tataba ka ulit, magmumukhang bata, liliit, puputi o iitim, pati suot na damit ay magbabago rin. Babalik ang tingkad ng ID (para sa akin, ang peke kong ID). Ang kupas na patch sa polo, ang gomang ID Lace na puti na may itim sa gilid, ang sapatos na 3rd hand/beyond repair, bag na butas, pantalong puro nisnis at pati na rin ang mahiwagang bolpen na palaging nawawala at ang notebook na puro drowing. Ang lahat ay magbabalik sa kung ano man ang mayroon noon, ngunit mananatili pa rin naman kung ano ang alaala mo at kung ano na ang nagbago sa ugali mo ngayon. Samakatuwid, babalik ka sa dati mong anyo at pananamit kung ikaw ay sasama sa ganitong klase ng paglalakbay.
Nagsimula ang aking paglalakbay sa paggising sa umaga. Inaantok pa pero kailangan nang bumangon dahil papasok pa.
"Teka, patapos na ko ng kolehiyo ah, bakit kailangan ko gumising ng ganito kaaga?"
Maliligo, magbibihis, hindi na mag-aalmusal, pwede na ang laway na panis. Sasakay ng pedicab papunta sa labasan. "
"Pagsakay ng jeep, magbabayad kaya ako?"
Kinapa ko ang bulsa ko, wala akong cellphone. Pero tuloy pa rin ang buhay. Trapik na naman sa Lacson, kaya kailangan kong titigan ang relo ko para bumagal ang oras. Pagdating sa harap ng gate, sarado na, Tsk! Late na naman ako. Pati ba naman pagiging late, nasama sa paglalakbay na ito.
"O, A____, late ka rin pala." Buti at may nakasabay akong late din pumasok. Ang kailangan na lang gawin, maghintay ng guro na papasok sa front gate, at magte-tailgating. Pagpasok ng guro, bumuntot kami sa likuran ng guro hanggang makapasok sa gate sa loob ng skul. (Kailangan mong mag-tailgate dahil hindi ka papapasukin ng guard sa front gate ng basta-basta. Either kailangan mo ng magulang, o gurong kasama.)
Pagpasok ko sa classroom, ang lahat ay galak sa gulat ng makita ulit ang isa't isa. Sa loob ng iisang silid ay nagsama-sama na naman ang makukulit na mga estudyante. Nagdadaldalan, nag-iingay, nagpapadagdag ng sakit ng ulo sa mga titser. Ang lahat ay nagkumustahan, nagkuwentuhan kung ano na ang mga balita sa isa't isa. Ang iba ay nagsipag-asawa na at ang iba ay nag-aaral pa rin. Ngunit sa loob ng silid, ay kulang kami ng isa. Oo nga pala, hindi na siya makakasama sa amin sa field trip na ito. Akala ko complete attendance, may absent palang isa. Nakalulungkot ngunit kailangan tanggapin na hindi lahat ay nananatili. Biglang tumahimik nang mapansin nilang absent ang dakila naming taga-singil. Ang bilis ng panahon, parang kailan lang kumpleto ang silid, ngayon permanente nang hindi makukumpleto. Kung sa bagay, meron na agad siyang attendance doon sa itaas. Kami na lang ang hinihintay.
"ZzZzzzzzZzzz"... !!!!!!!!!!!!!!!!!!
....Nang biglang humiga ang pusa naming pagkalaki-laki sa tiyan ko, dinaganan ako at ako ay nagising.
Hindi ko na maikukuwento kung ano pa ba ang mga nangyari dahil hindi ko na matandaan lahat. Habang naroon ako sa paglalakbay na iyon, alam ko na hindi ito totoo, ngunit parang gusto kong ulitin ulit kung ano pa man ang magaganap. Kay sarap isipin na mabibigyan ka ulit ng pagkakataon na makita mo ang sarili mo kung papaano ka naging kung sino ngayon. Mabibigyan ka ng pagkakataon na makita kung anuman ang maaaring mangyari kung sakaling may iniba ka sa nakaraan mo, at baguhin ang hinaharap, ngunit mapanganib dahil hindi mo alam kung ano-ano pa ang mga bagay na maaaring maaapektuhan. At kung anupaman ang gawin natin, hindi na natin mababago ang nakaraan. Kung may pagkakamali man tayong hindi nai-tama, kailangan nating matuto dito upang hindi na maulit ang pagkakamali.
Pandagdag na nilalaman:
Sa panaginip na iyon, kayrami kong naisip. 5.50 lang ang pamasahe ng estudyante pero 'pag nagbigay ka ng sais, wala kang sukling singkwenta sentimo. Sa loob ng limang araw makabubuo ang drayber sa isang estudyante ng 2.50. Sa loob ng jeep sabihin nating sampu ang estudyante sa bawat biyahe kaya't magkakaroon siya ng 25 pesos. Balikan o back-and-forth ang biyahe kaya magiging 50 pesos. Kaso sa loob ng isang araw, sabihin nating nakabiyahe siya ng sampung beses, bale limampung beses iyon sa limang araw kaya magiging 2,500 pesos. 2,500 pesos ang nakukurakot ng mga drayber na iyon linggo linggo sa mga estudyante.
Time-Space Field Trip. Bakit nga ba ito ang naisip kong pamagat? Ah, alam ko na. Time-Space sapagkat para kaming naglakbay sa oras, pabalik, pati na lugar at panahon. Field trip dahil buong klase ang naglakbay, ayon sa panaginip ko.
Iyon lang po, sana magustuhan ninyo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
6 (mga) komento:
Naks.. ahahaha
hehe tnx!
Ang ganda tol. Sigurado nagustuhan nya rin yan. :)
Tnx! Hehe sana nga mabasa niya eh :)
may mga pictures na ah..
napansin ko akin walang pics, sayo meron eh.. hahaha
Post a Comment