Sunday, February 12, 2012

Walang Pamagat

Walang Pamagat
Ni Jay Ocampo

I
Mga bagay na
minsan ko lang gawin
At mga salitang
minsan ko lang sambitin

II
Lahat ay nagbunga
ng hindi ko gustong gawin
Iyon ay ang
hindi ko na muling ulitin.

III
Nakagagawa ako ng tula
Na may sangkap ng mga salita
Buhat sa mga naganap
At sa mga mumunting pangarap

IV
At sa mga tulang iyon
Nais kong ipabatid
Na hindi sa lahat ng oras
May kakayahan kang ipahatid

V
Ang iyong nadarama
na sa puso mo'y nagkukubli
Anumang isinisigaw,
iyan ay tiyak na natatangi

VI
Maligaw ka man sa alon
ng karagatan malalim
O hagipin ng hangin
At maglaho sa kulimlim

VII
Hindi maagaw,
hindi mawawala
Damdamin sa puso'y
Huwag itapong palihim

VIII
Oras ay walang hanggan
Ngunit oras ay lumilipas
Gaano man kabago
Ay tiyak na kumukupas

IX
Kaya kung ako sa iyo
Ay huwag mo nang sayangin
Mga pagkakataong
Minsan mo lang maangkin

X
At kung huli na ang lahat
upang ikaw ay kumilos
Palabas man o paloob
Luha mo ay bubuhos

XI
Hindi lahat ng nilalang
Ay nabiyayaan ng oras
Upang mabuhay ng matagal
Sa mundong marahas

XII
Dumarating ang panahon
Na tayo ay nalilito
Kung bakit pa nabuhay
kung ikaw rin ay mamamatay

XIII
Kung mayroon ka mang problema
Na hindi mo ikinamatay
Magdiwang ka sapagkat
Napahaba mo ang iyong buhay

XIV
Kung ika'y naglalakbay
Kahit madilim ang daan
Ika'y makararating
Basta't alam mo kung saan

XV
Pagka't tayo ay naglalakbay
Naglalakbay ng sabay-sabay
Magkakaiba man ng daan
Sa dulo, lahat ay nahihimlay

XVI
Akin nang tatapusin
Ang mumunti kong tula
Pagka't umiral na naman
Aking pagiging makata

Ang Tula, bow.

PS: Umiral na naman ang pagiging korni ko sa dis-oras ng gabi. Bigla-biglang may tula na lang na lilitaw sa notepad at ipopost sa blogger. Tapos wala pang pamagat.

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger