Thursday, February 12, 2009

Dirty Packaging

Dirty Packaging

Naranasan mo na bang bumili sa lugawan at napansing baligtad ang plastic na ginamit? Marahil ang iba ay hindi ito napapansin. Hindi lamang sa mga lugawan, karinderya, mga kainan at bilihan ng ulam kundi pati na rin sa mga panaderya. Pansining mabuti kapag bumili ka ng ensaymada, anumang tinapay, ang ibang tindera ay ipapasok ang kamay sa plastic at ibabalot ang tinapay. Ibig sabihin, ang kinalalagyan ng meryenda mo ay ang labas na bahagi ng plastic, na hindi mo alam kung malinis o hindi, dahil ang malinis na bahagi o ang loob ng plastic ay nasa labas na ngayon. Paano na lang kung dinapuan ng maruming insekto ang labas ng plastic?

Madalas mong makikita ang kabulastugang ito sa mga lugawan at bakery. Ipapasok sa loob ng plastic ang mangkok na pagtatakalan ng lugaw, na para bang ayaw marumihan at saka ilalagay ang lugaw sa labas na parte ng plastic. Nakadidiri mang isipin, ganito ang sistema ng mga lugawan sa kanto. Hindi man sila lahat, ngunit kasalukuyan pa ring nagaganap ang kababuyang ito. Kaya naman minsan maganda pa ring bumili sa mga kilalang tindahan, dahil bukod sa sikat ay sigurado pang malinis ang iyong kakainin. Malaki nga lang ang agwat ng mga presyo nito. Isa rin sa mga nakadidiring gawain ng mga tindera ng lugawan ay ang di matiyagang paglilinis ng mga pinagkainan. Ito ay kung "Dine-in" ang usapan. Dine-in ang tawag kahit nasa labas ang tindahan. Minsan makikita mong lasang mantika ang mga tasa. Puno ng sebo, at talagang mawawalan ka ng ganang kumain. Ang ginamit mong baso sa paginom ay hindi sinabon ngunit binanlawan lamang. Minsan bago ka kumain, makikita mo ang mga kutsara at tinidor na may mga kanin-kanin pa sa paligid. Habang kumakain ka, maraming langaw sa paligid mo, at kung minsan ay ang katabi mo ay dudura pa sa tabi mo. Ang lahat ng ito ay ayos lang sa ‘yo. Ganito na ba talaga kabulag ang mga kostumer na biktima ng kababuyan at nakadidiring mga gawain? (Hindi, sanayan lang yan..)

Nakaaawang isipin na ganito na talaga kalala ang mga tao ngayon, palaging nagbubulag-bulagan kahit nakikita na nila ang mga bagay. Mga fishball na recycled ang mga istik. Sawsawan na halo-halo na ang lasa. Maaasim na mga drayber at kurakot na mga pulitiko. Kailan ba mamumulat ang ating mga mata sa mga kabulastugang nagaganap ngayon, mula sa gobyerno hanggang sa mga tindahan at kainan?

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger