Kasalukuyan kong nilalasap ang malamig na hangin
Sa balat kong manipis, ito'y dumadampi sa akin
Habang ako'y nakaupo't payapang pinakikinggan
Ang natatanging tinig ng nakabibinging katahimikan
Narito ako't naghihintay sa pinakamamahal kong kasintahan
Ang kanyang kamay, ako'y sabik na muling mahawakan
At kanyang mukha na labis ang taglay na kagandahan
Di na ko makapaghintay na muli itong masilayan
Dito sa pasyalan, pamilihan at tambayan
Sa kanto ng kainan ng pulang mamang may manukan
Upang hindi mainip ay idinaan na lamang sa tulaan
Nakaupo ako't naghihintay sa pinakamamahal kong kasintahan
Buhok na kay lambot, kutis na kay puti
Mga matang nagniningning at ang mapulang mga labi
Samahan mo pa ng ngiting katangi-tangi
Sa tuwing nakikita ko'y pagod ay napapawi
Para bang nasa bukirin na maraming damo
At may mga bulaklak sa paligid nito
At mayroon ding lumilipad na mga paruparo
O anong saya sa tuwing ika'y kapiling ko
Hindi ko maipaliwanag ang sayang nadarama
Ang sayang nakakamtan kapag kasama kita
Dalangin lang sana'y huwag nang matapos pa
Kaya hanggang sa pagtulog, pinapangarap ka
Ako ba'y tulog o nananaginip ng dilat?
Mga mata ko'y bukas ngunit wala sa ulirat
Tila heto na naman ang isipan kong lumilipad
Isipan ko dahil sa'yo'y kung sa'n-sa'n napapadpad
Ngunit parang totoo anuman ang nakikita ko
Mukhang tapos na ata ang paghihintay na ito
Ikaw nga ata itong papalapit sa'king harapan
At narito na nga ang pinakamamahal kong kasintahan.