Maraming nagsasabi na ang pera ay ugat ng lahat ng kasamaan. Na ang pera ay hindi kayang bumili ng pagmamahal at tiwala. Hindi rin ito nakabibili ng kaibigan at nakaaakit pa sa mga kaaway. Maraming masasamang salita ang nasasabi ng tao sa pera, ngunit ito ang ating problema.
Sa panahon na kailangan mo nang maghigpit ng sinturon, pera ang ating kailangan. Kahit na sabihin mo pang pagkain ang kailangan mo, pera pa rin ang dahilan kung bakit ka nakakakain. Kung kailangan natin ng perang pambili ng gamot, minsan ay nakagagawa ang tao ng masama upang magkaroon ng pambili. Ngunit hindi ka man magnakaw ng gamot, pera pa rin ang dahilan kung bakit may hawak kang gamot. Maaaring hindi mo ito binili, ngunit binili pa rin ito ng taong nagbigay sa iyo.
Pera ang nagpapaikot sa mundo. Sa amerika, pera ang dahilan kung bakit bumabagsak ang kanilang ekonomiya nila ngayon. Pero pera rin ang dahilan kung bakit masagana sila noon. Dito sa pilipinas, pera ang dahilan kung bakit maraming naghihirap, at pera din ang dahilan kung bakit maraming mayayaman na lalo pang yumayaman. Pera ang sanhi ng bawat krimen. Pera ang dahilan kung bakit sila nakatatakas, at pera din ang dahilan kung bakit sila nahuhuli. Pera ang dahilan kung bakit tayo nagsusumikap at nagtyatyaga at pera din ang sanhi ng pagiging tamad. Pera ang dahilan kung bakit maraming namamatay, ngunit pera din ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay.
Maraming bagay ang nabibili ng pera, at kahit na ang dangal ng isang tao ay natutumbasan na ngayon ng pera. Kapag namatay ka, hindi mo madadala ang pera sa kabilang buhay, ngunit mahalaga pa rin ito dahil pera ang magbibigay-daan upang ikaw ay mahimlay sa makintab na kabaong at matabang lupa. Hindi ka mabubuhay at hindi ka rin mamamatay nang dahil sa pera. Walang magagalit at walang matutuwa sa iyo kundi dahil rin sa pera. Di ka man makabili ng kaibigan, may panggimik ka naman kasama ang iyong mga kaibigan. Hindi ka rin makabibili ng pagmamahal sa kapwa, ngunit may pambili ka naman ng tsokolate at rosas para sa iyong minamahal. Hindi nabibili ng pera ang talino, ngunit ito rin ang dahilan kung bakit may bumabagsak at pumapasa sa paaralan. Nagagamit ang pera upang bilhin ang grade na gusto mo sa iyong guro. Ginagamit ng masasamang tao ang kintab ng pera upang silawin ang ibang tao. May gumagawa ng masama dahil sa pera, at may gumagawa rin ng mabuti para sa pera. Masama man o mabuti ang gagawin, kapit pa rin sa paatalim upang magkapera, dahil pera ang nagpapaikot sa mundo. Sa panahon ngayon, hindi ka mabubhay ng walang pera.
Ang pera ay mahalaga, at iyan ang totoo. Bulag lamang ang nagsasabing hindi ito mahalaga dahil hindi nila nakikita ang katotohanan pagdating sa pera. Kung wala kang pera, aasa ka na lang ba sa libre? Wala nang libre ngayon, kahit ang mangarap ay hindi na libre, dahil kapalit nito ay ang oras na ginugugol mo sa iyong pagtunganga. Ang pagmamahal din ay hindi libre sapagkat maraming pagsasakripisyo ang kailangan upang ito ay mapatunayan. Kapag sinabihan kang mukha kang pera, huwag kang magalit dahil mahirap mabuhay nang walang pera. Kung sila kaya nag mawalan ng pera?
Ang pera ay hindi masama. Hindi ito nakapapanakit o nakamamatay (maliban na lang kung kainin mo ito). Mula sa pagkasilang hanggang sa pagkamatay, pera ang kinailangan. Ganito kahalaga ang pera sa buhay ng tao. O ikaw, baka may kaunting barya ka r’yan?