Friday, June 17, 2011

Pasukan Na Naman

Pasukan Na Naman

Hunyo 6, 2011 - Simula ng klase sa taong ito. Ang ibang paaralan at unibersidad, sa Hunyo 13 pa upang mapagbigyan ang mga tinatamad pang pumasok at makapaghanda ang mga wala pang babaunin. Simula na naman ng magkahalong kalbaryo at saya para sa mga estudyante, panibagong pagkakataon para tuparin ang mga ang mga pangarap sa buhay, at panibagong pagkakataon para makapagtapos ang mga napag-iiwanan at umuulit. Simula na naman ng pamumroblema ng mga magulang sa mga anak na aral-baon - mga pumapasok lang pero hindi nag-aaral; mga estudyanteng isang dekada kung manatili sa hayskul pero walang nakukuhang diploma.

Isang malaking pagsubok ito para sa mga magulang na may anak na pinag-aaral. Ang baon ng kanilang anak na sinasabayan pa ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at mga bayarin sa eskwela na minsan ay kwestyunable (spiritual fee? energy fee?) at iba pang mga gastusin ay iniaasa lamang sa sweldo na minsan lang kung itaas ng gobyerno tapos lagi pang nadedelay.

Kasabay ng pasukan, muli namang nabubuhayan ng dugo ang mga nedosyante at ilang mga naghahanapbuhay. Ganado na naman bumiyahe si manong drayber na mahilig manigarilyo pero wala namang lisensya para makapagmaneho. Magkakaroon na ulit ng laman ang mga karinderyang hindi tinatao. May bibili na ulit sa mga tindahang may kostumer lang kapag may pasok. Kikita na ulit ang mga titser na nagtitinda ng longganisa at tocino sa klase. At higit sa lahat, madadagdagan na naman ang mga mabibiktima ng mga holdaper na ang target ay mga estudyanteng ginagabi. Kung mapapansin, hindi lang para sa estudyante ang pasukan, kundi para rin sa mga taong naghahanap-buhay.

Ang araw ng pasukan ay parang araw ng pasko kung paghandaan. Para sa mga estudyanteng maaarte, gusto nila bagong lahat ng gamit. Bagong bolpen, notbuk, bag, sapatos, uniporme, pati school na papasukan gusto bago taon-taon kaya hindi makatapos-tapos. Hindi nila naiisip na taon-taon maraming nasasayang na mga notbuk, papel at iba pang mga gamit na maaari pang gamitin pero itinatapon na lang imbis na pakinabangan. Puspusan ang paghahanda ng mga eskwelahan. Pinaghahandaan nila ang pagdating ng mga estudyanteng magbibigay ng laman sa kanilang mga "pondo". Pinapipinturahan nila ang mga pader, armchair at mesa upang masulatan ulit at malagyan ng panibagong kodigo. Pinaghahandaan ang kanilang lesson plan na isang dekada nang nahuhuli pero patuloy pa ring ginagamit. Pati mga magulang ay puspusan din ang paghahanda. Pinaghahandaan nila ang paggising nila ng maaga sa kanilang mga anak, ang kanilang mga susuutin kapag napatawag sila sa eskwela, excuse letter na may pirma, ang kanilang mga ibibigay sa titser kapag kailangan sumipsip, at syempre ang perang babaunin ng kanilang mga anak. Baong pera na gagamitin para makapaglaro ng dota at iba pang computer games, pangload sa cellphone, pang-gimik, at kung anu-ano pang bisyo. Pati mga barker ay naghahanda rin para sa mga estudyanteng maaarte na ayaw masikipan sa loob ng jeep kapag malapit nang mapuno. Hindi naiisip ng mga maaarteng ito na sumisikip naman talaga ang jeep kapag mapupuno na, mauna ka man o mahuli sa pagsakay.

Sa unang araw ng pasukan, karamihan wala pang nagaganap na klase, pero may ilan na hindi pa man nakapagpapakilala ang prof, nagkaklase na agad tapos quiz at magpapa-asayment sa huli.

"Pakilabas ang class cards. Isulat ang pangalan, subject at sched tapos bilugan ang singko."

Kokolektahin muna ang mga dapat kolektahin - final list ng mga enrolled sa klase, class cards, mahiwagang mga bayarin, indes card, 1x1 picture at kung anu-ano pa.

Para sa mga bagong saltak o mga freshmen at fresh-tranfer, get to each cellphone number at FB, este each other pala, ang unang activity. Tapos ay dito na magkakaroon ng "flocking" o ang pagsasama ng mga may magkakaparehong katangian (parehong brip, walang brip, etc. joke). Nagsasama-sama ang mga nagdodota, mga fashionista, mga maaarte, mga loko-loko, mga sosyalista, mga emo, mga matalinaw, mga masisipag (if any), at mga nagsisipag-sipagan. Meron din namang pinipili na lang na maging mag-isa kaysa ma-OP sa mga kinakasama.

Student 1: "Pare, ba't mag-isa ka? emo ka ba?"
Student 2: "Hindi, mag-isa lang ako."

Sa mga susunod na araw, unti-unti mong malalaman ang mga tunay na ugali ng mga tao sa paligid mo. Malalaman mo, ang katabi mo pala ay ex-convict, ang kakopyahan mo ay snatcher, kinakasama mong mga holdaper, at kasabayan mo sa paguwi na mandurukot pala. Malalaman mo sa pagdaan ng mga araw kung sino ang dapat dikitan at iwasan, kung sino ang mga nanggagamit, kung sino ang clepto sa klase na nangunguha ng pitaka, kung sinong plastik at sino ang dapat at mga hindi dapat pagkatiwalaan.

Maraming paghahanda ang kalakip ng pagdating ng pasukan. Taon-taon man itong dumadaan, hindi pa rin pare-pareho ang nagaganap dahil sa pabago-bagong klima, presyo ng bilihin, teknolohiya, at pamamaraan sa pagtuturo. At kahit taon-taon ang pagdating ng pasukan, nananatili pa rin ang mga problema sa bansa na dapat ay matagal nang nalutas ng edukasyon kundi lang dahil sa kurapsyon.

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger