Mentally Absent sa Attendance
Hunyo 11, 2011
Sa loob ng tatlong oras, hawak ko ang bolpen ko pero wala naman akong isinusulat. Nakaupo sa armchair na bagong pintura, kasama ang mga dating kong kaklase na nagkukuwentuhan, nakatulala lang ako sa aking inuupuan at nag-iisip kung ano ang magandang isulat sa mga oras na ito habang walang ginagawa. Marami pang tinta ang bolpen ko pero lumalabo na ang sulat nito. Marahil bukas o makalawa, kailangan ko nang bumili ng bago.
Alas tres na ng hapon. May klase kami doon sa kabilang silid. Hindi pa naman dumarating ang propesor kaya nandito muna ako't nagmumuni-muni. May klase rin dito sa silid na ito, ngunit hindi pa rin dumarating ang kanilang guro. Sa tagal ng oras na nasasayang at wala akong naisusulat, maya-maya'y napansin ko na ang ilan kong kaklase na nandito kanina ay bigla na lang nawala. Naku, andun na yata si mam at nandito pa rin ako't nakatunganga. Dali-dali akong pumunta sa aming silid at umupo sa bakanteng upuan. Hindi ko na inabutan ang attendance sheet para mapirmahan. Absent na naman ako. Binalak kunin ng aming president ang attendance sheet kay mam, pero hindi na niya ito nakuha.
President (Itago na lang natin sa pangalang Pingu): "Mam puwede pa po makuha yung attendance sheet? May hindi pa po kasi nakapirma eh."
Mam O: "Ibinigay mo na sa akin eh. Wala na absent na yan."
Pingu: (Bumalik sa upuan) "Sori, wala na eh."
Badtrip akong pinagtinginan ng mga kaklase kong nakapirma. Ako na naman ang napag-initan. Ang hirap talaga kapag napag-iinitan ka, ikaw palagi ang talo at wala kang karapatan upang ipaglaban ang sarili mo lalo na't guro ang kalaban mo. Wala akong nagawa kundi hintayin na lang matapos ang klase. Naibigay ko naman ang aking class card, pero considered absent ako dahil hindi ako nakapirma. Ilang minuto lang naman akong nawala, pero ito ang naging kapalit - isa sa mga unang araw ng klase, absent ako samantalang maaga na akong pumapasok ngayon. May record na sana akong hindi ako late o absent sa loob ng isang linggo, pero dahil nga ganito ang nangyari, balewala ang pagbabago ko. Tinanggap ko na lang kung anong nangyari ngayon. Ganito talaga ang buhay, minsan maganda, minsan hindi. Gaano nga ba kadalas ang minsan? Lahat ng mga pinalad na nakapagtapos dito sa pamantasan, dumadaan muna sa kanya. Mga pinalad nga talaga sila. Kung sa bagay, kasalanan ko rin kung bakit ako nahuli ng mga isang minuto kaya hindi ako nakapirma. Isinusulat ko kasi ang sanaysay na ito.
Home » Life In A Day » Mentally Absent sa Attendance
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 (mga) komento:
Post a Comment