Ano nga ba ang Farmer's PC? Ito ang mga kompyuter na dati ay nagkakahalaga ng presyong ka-lebel ng mga High-end PCs tulad ng Core 2 Duo™ hanggang Core i7™, napaglumaan na ng panahon at napalitan ng makabagong specs. Ang tawag ko rito noon ay Lower-end PCs, dahil sa paniniwala kong wala namang PC ang mga farmers. Pero dahil nauso ang farmville, isang laro sa Facebook, nabigyan ito ng makabagong kahulugan, dahil sa mga nagsasakang farmers sa Facebook (na hindi mapakali kapag hindi nakapagpe-Facebook dahil mawi-wither daw ang kanilang mga pananim. Mabuti sana kung aanihin mo ang mga itinanim mo at pwede mong isaing o ibenta sa tunay na buhay) at tuluyan ko nang nai-adopt ang salitang Farmer's PC. Basta lumang dilaw, I mean naninilaw na PC, Farmer's iyon, in short.
Ang specs ng isang Farmer's PC ay sumasaklaw mula sa Pentium III (and equivalent processors) pababa sa pinakalumang processor na nabubuhay pa sa panahon ngayon. Ang pinakamabilis na Farmer's PC ngayon ay ang Dual Pentium III (o Pentium III Dual, 'di ako sigurado) na gumagamit ng dalawa, physically, na processor sa iisang motherboard. Ibig-sabihin, dalawa rin ang heatsink fan nito, at kaya rin nitong pantayan kahit paaano ang mga multi-threaded na processor ngayon dahil nga dalawa ang processor nito. Kaya ko sinabing physicaly dahil ang mga multi-threaded na processor ngayon ay nasa isang chip na lamang nakapaloob ang dalawa o higit pang core. Kung single core na Farmer's PC naman, ang pinakamabilis ay ang Tualatin™ processor, na may bilis na hanggang 1.24 GHz, mas mabilis sa Celeron™(socket 370) na hanggang 1.13 GHz lamang. Pero piling-pili ang mga motherboard na supported ng Tualatin™ kaya mas kumalat ang mga Pentium III, Celeron™(socket 370) at Coppermine™ na processors na supported halos lahat ng socket 370 na motherboard noong panahon na ini-release ito. Mayroong hardware hack para mapagana mo ang isang Tualatin processor sa isang Celeron-supported na motherboard, na tinawag nilang Tualeron (Tualatin na nag-aact na parang Celeron). Pero kung aalamin mo kung paano, mas mabuting huwag mo nang subukan dahil baka masira lang ang PC mong kulay yellowish white, o whitish yellow. Nalaman ko itong lahat buhat sa pagsasaliksik na mapabilis ko pa lalo ang Framer's PC na gamit ko ngayon mula nang masira ang Pentium 4 ko (technically Celeron 2.4 GHz).
Isa sa mga nalaman ko dahil sa mga Farmer's PC, ay ang bltahe ng bawat processor, na ngayon ay hindi na masyadong napapansin dahil napaka-flexible na ng mga bagong boards, na basta magtugma lang ang internal frequency o fsb ay puwede nang gumana. Sa pag-aasam kong pabilisin ang Farmer's PC sa bahay, tinanggal ko ito mula sa yellowish white o whitish yellow na case at inilipat ko sa black na casepara magmukhang napapanahon ang kompyuter. 866 MHz lamang ang speed ng processor nito, na 1.7 Volts ang kailangan, pero 1.75 ang setting sa BIOS kaya naging 870 MHz 'pag tinignan mo sa system properties.ASUS CUV4X-C ang motherboard - walang sound card na built-in, walang on-board na video card, at walang rin LAN. Shorted/sira ang PS/2 ports o keyboard/mouse ports, may dalawang USB 1.1 port sa likod, at dalawa ang ram slot sa loob (Max. 1GB). Kung mapapansin, maraming kulang, kaya binilhan ko ito ng mga piyesa, pati na bagong processor. Celeron 1GHZ ang binili ko mula sa isang member ng TipidPC.com sa halagang 200.Laking tuwa ko dahil mapabibilis ko na ang Farmer's PC na ito, pero nang testing-in ko na ito, ayaw gumana. Ayaw magboot. Akala ko sira, ayun pala kaya ayaw gumana ay dahil 1.45 Volts lang ang processor na nabili ko. Malas dahil ang pinakamababang boltahe na supported ng motherboard ay 1.75 Volts lang. Hindi ko na ito naibalik sa binilhan ko dahil 'compatibility is the buyer's responsibility'. Ayos lang, atleast meron akong processor na malapit nang mag-extinct.
Pinalitan ko rin ang RAM nitong 192MB (256 MB talaga kaso sira na yung isang 128MB na ram), binilhan ko ng dalawang 512mb na SDRam sa isang premium member ng TipidPC.Ang video card, originally 4MB na pinalitan ko ng GeforceFX 5500 na 256MB. Binilhan ko rin ng PCI Soundcard na 4.1 Channel, PCI USB 2.0 Card, nilagyan ng Lan Card, at isinalpak ko na rin ang DVD-Writer ko na malapit na magdalawang taon. Bago na rin ang keyboard at mouse nito (sa wakas), pati na rin headset at speaker, pero hindi ko muna ginagamit at itinabi ko muna dahil baka masira agad. Naka-tatlong libo ako sa Farmer's PC na ito, sa paghahangad kong makamit ang kanyang full potential at mapakinabangan pa ng husto, at mailayo sa panlalait.
Sa totoo lang, hindi naman talaga sa akin ang CPU na pinagkagastusan ko. Ipinaa-upgrade lamang ito sa akin para magamit sa JASHS Music Lounge, pero hanggang ngayon ay nasa bahay namin pa rin ito. Kapag nabayaran na ang mga nagastos ko, tsaka ko ito ibabalik sa sa bar at bibili ako ng bagong PC, 'yong Dual Core naman para masaya.
Hindi ito ang una o pangalawang Farmer's PC na dumating sa akin, kundi pangatlo. Ikukuwento ko ang history ng mga nauna kong PC, kasama ang unang PC ko na hindi Farmer's:
Ang unang Farmer's PC na nagkaro'n kami ay isang Pentium III 500MHz, na hindi mapormat kaya ipinaayos sa isang pinagkatiwalaang technician. Wala pa akong alam noon sa computer at isa akong complete noob. Dinala ng tech ang PC na ito sa kanilang opisina at doon "inayos". Sa kasamaang palad, ayaw na nitong bumukas nang bumalik sa amin. Isa lang ang ibig-sabihin nito, naloko kami. Kaya nagpasya si papa na mag-aral ng Computer Technician (isang bokasyonal na kurso) sa St. Peterville sa Tayuman para hindi na ulit kami maloko. Bumili na lang kami ng panibagong Farmer's PC sa Taguig (eto na yung pangalawa). Apat na libo ang nagastos namin lahat-lahat kasama meryenda at biyahe sa Celeron 1GHz na iyon. Kulay puti rin ito. Dinagdagan namin ito ng +256MB na ram, kaya 384MB ang total ram, at 40GB na hard disk para mas masaya. Kung gagamitin mo ang PC na ito, para ka narin gumagamit ng Pentium 4 dahil sa tweaks na inilagay at customization na Windows Vista™ inspired (June 2007 iyon binili at Vista pa lang ang uso). Malalaman mo lang ang bagal nito kapag naghahanap ka na ng mga bagong games at sinabi kong Pentium III lang iyon, o kapag nagcopy ka ng isang malaking file. Sa tulong ni ronnie, isa ring nabiyayaan ng Farmer's PC noon, wala akong ibang ginawa kundi magcostumize at mag-apply ng tweaks para lang mapabilis ang PC.
May 2009, isang magandang balita ang nanggaling kay Ronnie. May Pentium IV daw na ibinibenta, at agad namin itong pinatulan. Kinabukasan, ang Farmer's PC na akala mo may Windows 7 sa loob (yung may bangus na wallpaper), ay naibenta rin agad sa katrabaho ni papa sa chinatown sa halagang tatlong libo, pero 3 gives. Sabi ko, sa wakas hindi na ako Farmer's PC user! Naramdaman ako ang ginhawa nang subukan ko magcopy ng malaking file. Marami rin akong naging pakinabang sa Celeron 2.4GHz na iyon, dahil nakapag-CD burn kami kahit wala pa kaming internet, nagvideocam to cd transfer at cassette-to-cd din. Dito ko rin nagawa ang Windows GK Ultimate (na hindi man lang naappreciate dahil hindi napromote :'c ).
January 2010, nagkaroon kami ng internet, at naging maginhawa ang aking pagda-download (hindi na ko nagrerent sa labas at nagnanakaw ng bandwidth). Mas naging masaya ang linux experience ko (a.k.a. Penguinitis) nang magkaro'n kami ng internet, dahil adik ako sa linux nang panahong iyon at madali lang magupdate through repositories. Gumanda rin ang daloy ng business ng CD burning at mp3/mp4 downloads.
March 2011, nasira ang PC na pinagkukunan namin ng kita. Bumigay ang capacitor ng motherboard. Binilhan ko ito ng bagong capacitor pero mali ang nabili ko, kaya kasama ng ibang mga sirang piyesa ng kompyuter, ibinenta ko ang motherboard sa isang member ng TipidPC na isang Scrap Buyer. Umabot lahat sa 720 pesos ang mga naibenta ko. Nakalulungkot ngunit kailangan tanggapin ang katotohanan na ang lahat ng bagay ay may hangganan.
April 2011, inuwi ko ang isa sa mga Farmer's PC mula sa JASHS Music Lounge. Sadyang napakabagal ng PC, akala mo naghang na sa boot, pero hintayin mo lang ng 15-20 minutes puwede nang gamitin. Astig, kahit 4MB ang video card, bago ko i-format may nakainstall pang Flyakite OSX na isang themepack. Sabi ko ayos to ah, kinaya ang kalokohan ng dating gumagamit. Ito ngayon ang gamit ko. Sa pagtatype, pag-iinternet, pagwa-warez, pagpo-program, pagsa-soundtrip at panonood ng Penguins Of Madagascar series at iba pang mga pelikula. Para sa isang user na magsusurf lang sa internet, magttype at maglalaro ng dota, puwede na itong gamitin. Todo upgrde ba naman ang ginawa ko eh.
Noong una, sinisisi ko palagi ang Farmer's PC dahil sa bagal nito, at isinusumpa ko ang mga nabiyayaan ng malulupit na PC, na hindi naman marunong makaappreciate ng kung anong meron sila ngayon. Minsan nagrereklamo pa dahil mabagal daw, kahit Core 2 Duo na at may 2GB na ram pa. Hindi nila alam na may iba na nagtitiis sa Farmer's PC pero nakagagamit naman ng maayos. Pero kahit na mabagal ang Farmer's PC, napagisip-isip ko na marami pa rin itong naitulong sa akin. Kung sila nabiyayaan ng magandang PC, kami ni ronnie na gumamit ng farmer's PC ay nabiyayaan naman ng kaalaman sa kompyuter sa tulong ng mga naninilaw na CPU na iyon. Kundi rin dahil sa Farmer's PC, hindi kami makapagpapasa ng indie film na pinagawa sa amin noong first year/first sem ko sa PLM. Akalain mong nakapag-author ako ng isang 50-minute na pelikulang kami mismo ang nagshoot gamit lang ang Farmer's PC na binili sa taguig?. Anim na oras kong inedit(yung final edit), apat na oras kong sinave. Kaya rin ng 384MB ram with 32MB video card na PC na iyon ang Windows Vista. Oo, kinaya nito ang Windows Vista Ultimate (yung lite version). Medyo mabagal ng kaunti kaysa kung xp ang nakainstall at walang aero effects (pero kung linux, kaya nito ang higit pa sa aero effects). Boot time? Mas matagal lang siguro ng ilang segundo kaysa kung xp ang nakainstall. Ibinalik ko rin ito sa XP matapos ang isang linggo, gusto iko lang makaranas ng vista nang nung mga panahong 'yon.
Ayon sa aking pananaliksik, gumagana rin daw ang windows 7 sa Farmer's PC, pero hindi ko na sinubukan dahil alam ko namang gagana talaga kahit mabagal, kasi Vista nga kinaya eh.
Ang Farmer's PC na gamit ko ngayon mayroong kaunting PopCap games, Big Fish games at GTA Series (I,II,II,vice city at San Andreas). Oo gumagana ang mga GTA, pero yung San Andreas medyo mabagal na dahil siguro modded version ito. Meron ding Office 2010, Nero 10, enabled ng automatic updates (na gusto ko nang idisable pero ginagamit ng Security Essentials) at mga basic appz. Puwede na rin ito sa video editing, pero mabagal lang magsave.
Ang Farmer's PC na ito ngayon ay nagbibigay sa akin ng inspirasyon upang makaipon ng pambili ng mas magandang PC. At dahil sa muling pagdating ng Farmer's PC sa computer table namin, marami na naman akong natutunan tungkol sa mga computer (yung mga binanggit ko kanina). Hindi man ito naibibigay paminsan-minsan ang bilis na hinahangad ko pagdating sa performance, binibigyan naman ako nito ng dahilan upang mgsumikap pa lalo para sa mas maganda at mas maginhawang pagkokompyuter. Kaya kayo na binigyan ng lumang pc, o pc na laging nasisira, gamitin niyo iyan bilang kasangkapan at gabay upang kayo ay maging isang Elite Computer user at huwag mainggit sa mga may magagandang PC, dahil hanggang diyan na lang ang mga iyan. Ang magagandang bagay ay dumarating sa tamang panahon.
Kung nag-enjoy ka sa pagbabasa mo tungkol sa Farmer's PC, maaari mo rin basahin ang Farmer's PC Overview na isinulat naman ni Niero.
Home » Now and Then » The Legend Of Farmer's PC
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 (mga) komento:
Post a Comment