Isa na namang entry from my good old notebook. Last year ko pa rin to sinulat pero ngayon ko lang ita-type sa notepad, then paste sa blogger. Sana magustuhan niyo..
Bilang mag-aaral, madalas may mga sinasabi ka na sinasabi mo, na sinasabi ng mga kaklase mo, na sinasabi rin ng mga hindi mo kaklase, na nasabi na rin ng iba pang mga estudyante at malamang ay sasabihin pa ng mga susunod na henerasyong estudyante. Narito ang ilan:
"Madali lang pumasok sa PLM."Iyan ang palagi kong sinasabi kapag tinatanong ako kung mahirap nga bang pumasok sa PLM. Madali lang naman talaga. Magsuot ka lang ng Id, daan ka sa entrance, in less than 30 seconds nasa PLM campus ka na. Kung wala ka namang Id, utuin mo yung guard makapapasok ka na (At this time of writing hindi pa mahigpit masyado, pero ngayon mahigpit na). But in terms of being a PLM Student (I hate using the term PLMayer), basta nagrebyu ka, hindi ka (masyadong) bulakbol, or atleast magaling kang manghula, papasa ka sa PLMAT (PLM Admission Test) at makapapasok ka na sa PLM bilang mag-aaral nito. Ang mas magandang tanong ay kung madali bang manatili sa PLM. Well, basta may pang-tuition ka bawat sem at kadikit mo ang majority ng mga prof, masipag ka pumasok at dumikit sa masisipag (at matatalino), madali lang manatili sa PLM. Pero kung ako sa 'yo, ikaw ang magsilbing didikitan ng mga kaklase mo para sure kang mananatili ka, I mean, maging masipag ka hindi lang pumasok pero mag-aral.
"Diskarte Lang."Hindi ko kilala kung sino ba ang nagsabi nito pero narinig ko lang ito sa kanya. Diskarte lang daw, hindi talino. Kung magaling ka raw dumiskarte, hindi ka raw matatanggal sa PLM. Ano nga ba ang diskarte na iyon? Pagdikit sa prof? Pakikipagkaibigan sa mga makakapitan? Paninipsip at pakikipagclose? Kung gano'n lang naman ang sistema, eh bakit ka pa pumasok? Dapat bumili ka na lang ng diploma, mas convenient. At kung magtatapos ka sa ganitong paraan, yung puro diskarte lang at walang pinag-aralan at natutunan, tiyak na diskarte mo na lang rin kung paano ka makahahanap ng trabaho.
"Magbabago na ko."Sinasabi ko iyan palagi sa simula ng bawat sem. Siguro ikaw, sinasabi mo rin iyan? Pero wala namang nangyayari. Nauuwi rin sa removal at recon. (Magbabago na ko, .... ng course/ng school) Ang mga Pilipino mahilig magningas-kugon. Sa simula lang masipag. Sa kalagitnaan tinatamad na. Pero meron din namang sinisipag kung kailan huli na. Kung kailan tres at singko na lang ang mapagpipilian. Kaya naman minsan mas mainam nang magremoval na agad sa simula pa lang ng sem para may insurance kang tres kung sakaling hindi umabot ang grade mo. Kaso walang prof na gano'n, at kailangan mong maghintay kung magreremoval ka o hindi. Pasalamat ka kung nagpaparemoval exam ang mga prof, dahil minsan diretso singko ka pag gano'n.
"Overnight!"Madalas nagkakaroon ng overnight ang bawat grupo sa isang klase kapag may kailangan gawin bilang isang group ang mga estudyante. Lalong-lalo na kung kinabukasan na ang deadline ng ipinapapasang document o project. Overnight, pero magsisimulang kumilos kapag madaling araw na. Tapos magtuturuan pa kung sino ang gagawa ng ganito. Male-late sa pasahan. May mag-aaway sa grupo. Magkakaroon ng tampuhan, bilangan at laglagan. Pero sa bandang huli at sa awa ng diyos, pasado ang buong grupo (pero may mga pagkakataon na talagang bagsak). Kaya naman mas mainam kung overday! Overday, o kabaligtaran ng overnight. Na kung magpupuyat ka ay hindi sa gabi kundi sa araw. Sapagkat kung sa araw ka magpupuyat, gising ang mga tao, hindi ka tinatamad, bukas ang mga tindahan at mga paprintan. At kung sa overnight, umaga na natatapos ang mga gagawin, sa overday naman ay hapon o gabi. Kaya maaaring makasabay mong matulog yung mga walang ginagawa at yung mga pagod sa pahinga. (Maari mong puntahan ang mga link na ito at ito para sa isang halimbawa ng grupo.)
"Yes, Pasado!"Sa tuwing magtatapos ang sem, ang grade na tres kung minsan ay kinamumuhian, at kung minsan naman ay sinasamba. Depende lang sa taong nakatanggap nito. Para sa isang taong masipag, kinamumuhian ang tres. Pero sa taong nakapasa sa removal, at sa mga delikado, maituturing nila itong achievement sa buhay. Sinasamba nila ito dahil hindi na nila kailangan pang ulitin ang subject ng isa pang sem, at makatitipid sila ng panahon dahil hindi na nila kailangan magpa-add/drop o magpa-open ng subject sa summer. Para sa isang estudyanteng tamad, ang makakuha ng tres ay biyaya nang maituturing dahil nasa bingit na ito ng karimlan. Isang maling hakbang na lang, singko na (aba malay ko kung bat walang 3.25, 3.50, etc). At kung makakuha ka ng singko, tiyak na matutuliro ka na parang itinakwil ka ng langit lupa at impyerno lalo na kung mag-isa ka lang. Maghahanap ka ng masisisi maibsan lang ang kalungkutang nadarama mo. Pero sa bandang huli ay matatanggap mo naman, kung sino ba ang dapat sisihin sa mga nangyari.
"Buti ka pa..."Malamang ay nasabi mo na rin ang mga salitang ito, na karaniwan ay merong kasunod (o pwede ring wala). "Buti ka pa, pasado", "Buti ka pa, graduate na", "Buti ka pa, may trabaho", "Buti ka pa, may pera", "Buti ka pa, pinapansin", o "Buti ka pa at mabuti ka". Karaniwan na 'tong nasasambit ng mga taong hindi gaanong nabiyayaan. Pero ang tanging magagawa lang naman nila ay tanggapin kung bakit buti pa sila ay ganito at gano'n. Isipin mo na lang na sinwerte sila, at hindi ka lang sinwerte ngayon. Malay mo e bukas lang may magsabi na agad sa 'yo, buti ka pa
"Sembreak na!/Bakasyon na!Sembreak at bakasyon ang palaging hinihintay ng lahat ng estudyante, lalong-lalo na yung mga pasmado ang isip at katawan sa walang humpay na mga gawain sa iskul. Ito lang ang panahon na makatutulog sila kung gaano nila katagal gustong matulog at makapagpahinga upang mabawi ang kanilang pagod. Minsan ay nagpaplano ng swimming at inuman. Minsan natutuloy, minsan hindi. Minsan may hindi nakakasama. Nagsasaya makaranas man lang ng pagkakataon na magsama ang mga magkakaibigan at magkakaklase hindi sa loob ng silid kundi kung saan mang lugar na malaya sa mga 'Deadline' at iba pang gawaing pang-eskwela. (Yung pic sa taas, lyrics iyan ng awiting Sembreak, by eraserheads)
Sa ngayon, heto pa lang ang mga naiisip kong mga karaniwang salita na binabanggit sa mga karaniwang pangyayari sa skul... Ikaw, baka may naiisip ka pa,... Maaari mo itong ibahagi sa pamamagitan ng pag-comment sa ibaba..
Salamat sa pagbabasa!
3 (mga) komento:
ahaha nice!
salamat nga pala sa libreng promotion ahaha
wala yun hehe
Post a Comment