Wednesday, January 11, 2012

Ang Dalawang Gangster

Ang Dalawang Gangster
(Somewhere in December 2011)

Isang hating-gabi sa buwan ng disyembre, sumakay ako sa España ng jeep, biyaheng Baclaran. Sa aking pagsakay ay may ilang pasaherong inaantok. Mga galing sa trabaho, sa gimik, mga pauwing tulad ko. Ang tugtog sa jeep ay pamilyar sa bawat kanto ng Tundo, sa bawat eskinita na puno ng tambay na lawlaw ang damit at matalim ang dila at paningin. Sa harapan ng jeep ay ang nagmamaneho at ang kasama niyang tiga-abot ng bayad at sukli. Kung iyong titingnan, tila mga ka-edad ko lamang ang dalawang gangster na ito na nanghiram lang ng jeep upang kumita ng kaunting pera.

Nagbayad ako. Sampumpisong buo ang ibinayad ko at sinabi kong sa recto ako bababa - doon sa pag-ahon ng jeep mula sa pagbaba nito sa ilalim ng tulay. "'Yung sampu, sa recto lang, isa lang". "Recto ba magkano? Sampu?", "Hindi, otso lang.", sagot ng drayber. Hindi ko alam kung wala pa bang panukli ang drayber o hindi ako nito narinig dahil malakas ang tugtog. Lampas na ng Lacson pero hindi pa rin ako nasusukilian. Sa tapat ng P. Noval, sa pang-apat na sabi ko, naalala rin ng tiga-abot kung may sukli pa ako. "Recto, lampas na ba?", tanong ng tiga-abot sa kaibigang nagmamaneho. Nagtataka ako kung bakit hindi niya alam kung lampas na ng recto, samantalang nasa harap naman siya ng jeep at mukha namang hindi malabo ang mata niya dahil nalaman niyang sampumpiso ang inabot kong barya. "Hindi pa. Teka lang wala pang barya, bababa ka na ba?", sabi ng drayber. Sabi ko nga recto, morayta pa lang tinatanong na kung bababa na ako. "Recto siya bababa" ang sabi ng babaeng pasahero sa tabi ko. "Recto ako bababa, malapit na.", ang sagot ko naman. "'Eto ang bente, bigyan mo na lang ako ng dose kung meron ka.", ang sabi ng drayber. Sabi ko wala, pero nung tiningnan ko ang pitaka ko, meron pala kaya sinabi ko agad na meron. Inabot ko ang dose, at binigyan ako ng benteng papel. Para bang ako ang binayaran ng otso ng drayber at siya ang sinuklian ko. Pumara ako sa pag-ahon ng jeep sa medyo tapat ng motel sa tabi ng Isetan at naglakad papuntang recto upang sumakay ng jeep na biyaheng Divisoria.

Bago pa man ako bumaba, alam ko nang nalito ang drayber sa pagsusukli sa akin. O marahil lumilipad lang ang isip ng dalawang ito dahil humithit muna ng bato bago bumiyahe. Dalawang piso lang naman ang hinihingi kong sukli ngunit ang nangyari ay dalawang piso lamang ang tinanggap niya buhat ng pagbibigay niya ng bente at pag-aabot ko ng dose para ako ay kanyang "masuklian". Kung susuriin, ganito ang naganap habang ako ay nakasakay pa sa jeep. Nagbayad ako ng sampu, nagbigay siya ng bente, at nag-abot ako ng dose. Bente-dos ang natanggap niya, at bente naman ang isinukli niya. Dahil sa dalawang gangster na iyon, ang biyahe mula sa Blumentritt, España hanggang sa Recto ay naging dalawang piso na lang. Pinili ko na lamang na hindi makipagtalo dahil pababa na ako. At umuwi akong nakatipid ng pamasahe dahil sa dalawang gangster na ito.

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger