Friday, October 28, 2011

Kumusta at Paalam


"Alam mo na ba?", tanong sa akin ng dati kong kaklase no'ng hayskul pero ang pagkakarinig ko, "Saan ka pupunta?". Buti na lang at lumapit ako at naintindihan ko ang sinabi niya.

"Alam mo na ba?"
"Alin?"
"(you know what it is... ang hirap sabihin eh)"

Sa unang pagkakarinig ko, hindi ako makapaniwala. Akala ko biro lang ngunit hindi ko masabing biro dahil seryoso ang mukha ng nagsabi sa akin. Agad-agad kong sinabihan ang grupo tungkol dito. Sinabi ko itong pabiro sa text kahit sa likod nito ay isang katotohanan na mahirap tangganpin para sa amin.

Sakit sa puso ang dahilan ng kanyang maagang pamamaalam, na tila nagbunga rin ng sakit sa aming mga damdamin. Hindi namin inaasahan na ganito kaaga kaming mababawasan ng isa.

Kung pagmamasdan mo ang kanyang mga larawan, hindi mo maiisip o makikita na mayroon siyang karamdaman na nakamamatay. Palagi siyang nakangiti at para bang walang problemang ikinakaharap sa buhay. Marami siyang kaibigan na nariyan para sa kanya. Sana kung nasaan man siya ngayon, maging masaya siya at tapos na ang kaniyang mga paghihirap. Hindi na niya mararanasan ang hirap sa mundo, at hindi na darating ang mga pagsubok na naghihintay sa kaniya. Kinuha na ang buhay na ipinagkaloob sa kaniya dahil mas makabubuti ito upang hindi na siya lalong mahirapan.

Noong hayskul, hindi naman kami madalas mag-usap ngunit nakakuwentuhan naman paminsan-minsan. Siya ang dakilang tiga-singil ng mga bayarin at ang ingat-yaman ng aming klase. Kahingian ng 1/4, kahiraman ng bolpen, pero kahit hindi kami ganoon kalapit tulad ng aming magbabarkada, hindi ganoon kadali upang matanggap na ang isa sa aming kaklase na nakasama namin sa loob ng apat na taon ay wala na.

Napakaaga pa. Ngunit ang napakaaga na iyon ay huli na upang siya ay muli pang makausap, makagimik, makabiruan at mautangan. Ang tanging maihahandog na lamang namin sa kanya ay ang samahan siya na maihatid sa kanyang huling hantungan. Patungo sa lupang kanyang hihimlayan ay ang kabilang buhay na walang hangganan kasama ang dakilang lumikha.

Nawala man siya ngayon, mananatili pa rin siya sa aming mga alaala. Ganito lang naman ang buhay, kumusta at paalam. Lahat ng dumarating ay naglalaho rin nang hindi inaasahan. Hindi natin masasabi kung kailan, kung saan, at paano, ngunit masasabi natin kung bakit. Dumarating sila upang tayo ay turuan, tulungan, samahan at gabayan, at umaalis sila upang sila ay ating pahalagahan at maalala.

Paalam, Monette Cristine Navarro.

0 (mga) komento:

 
Copyright © . High's Kul... Life Online - Posts · Comments
Theme Template by BTDesigner · Powered by Blogger