Kung ikaw ang tatanungin, ano nga ba ang tula
Ano nga ba ang laos na raw na larangan ng paggawa
Ng mga salita at mga linyang 'di lamang sa dulo may tugma
Ngunit pati na rin sa buhay at karanasan ng may-akda
Ano nga ba ang tula na nagsasaad ng damdamin
Na sa pamamagitan ng tugma ay nabibigyan ng sining
At nabibigyan din hindi lamang ng lalim
Kundi pati na rin damdaming layunin ay magpahiwatig
Ano nga ba ang tula na may laman ng tawa at ngiti
Minsa'y naglalaman ng lungkot at pighati
Na katumbas ay tagumpay at pagkasawi
Na kung sa tula ilalahad ay tiyak na natatangi
Ano nga ba ang tula para sa 'yo kaibigan
Na maaari o maaaring hindi mo minsang nahiligan
Ngunit sana'y iyo man lamang masubukan
Gumawa ng tula kahit lamang katuwaan
Hindi naman lahat ay isinilang na makata
At hindi rin naman lahat ay mga mambabasa
Ngunit panahon ngayo'y lunod na sa teknolohiya
Mga tula'y nilalapatan na ng dagundong at kaunting nota
Na ang mensahe kung mayro'n ma'y natatabunan na ng lubos
Sining ng pagtula'y dito na ba magtatapos?
Tanging buga't dagundong na lang ang napapansin
Liriko't mensahe pa'y bastos kung susuriin
At kung minsa'y mga makata'y nagsisipagtagisan
Ng kani-kaniyang galing sa palaliman
Ngunit paligsahan nama'y labanan ng kayabangan
Bakit ba nahiligan ang gan'tong klase ng larangan
Na imbis na itaas pa at palawakin ang lawig ng sining
Ay tila pa't nag-iiba lalo't nawawalan ng ningning
Sa kagustuhang buhayin ay lalo pang naililibing
Kailan ba magigising mula sa pagtulog ng mahimbing?
O marahil ang tula ay hindi naman talaga pinapatay
Ngunit ay nag-iiba lamang ng anyo at kulay
Nag-iiba kasabay ng paglipas ng panahon
Ibang-iba kumpara sa panahon noon
Ano nga ba ang tula noon, at ano ang tula ngayon
Parehas lamang na tula ngunit magkaiba ng panahon
Kung dati-rati'y mga tula'y kagiliw-giliw na basahin
Ngunit ngayon kung gumawa ka ng tula'y di maiwasang asarin
Na ikaw ay makaluma't wala na sa panahon
Isa kang makatang hindi nabuhay noon
At isinilang ngayo't gumagawa ng akda
Kahit wala nang magbabasa'y patuloy pa rin sa paglikha
Ngunit wala naman talaga silang magagawa
Walang awitin kung walang tula
Walang pangungusap kung walang salita
At walang kahit ano kung walang lumikha
Muli natin balikan kung ano nga bang kahalagahan
Ang tanong na kung "ano ba ang tula?" tila wala nang kabuluhan
Dahil basta't pantig ay bilang at sa dulo'y may tugma
Tula nang maitatawag sa ganitong klase ng akda
Ngunit ang tunay na kahulugan iyo lamang makikita
Kung ika'y magbabasa bilang isang mambabasa
At hindi bilang nagbabasa lang ng kung anong nakasulat
Dahil mensaheng nakapaloob ay higit pa sa mga salitang nakalapat
Malalim man o mababaw mga taludtod na nakalahad
Layuning magparating ng mensahe ang tanging hangad
Nguni't anumang nais iparating ay saka lamang mabubuksan
Kung mga taong titingin ay mga bukas din ang isipan
Kaya't kaibigan, kung ikaw ang tatanungin
Maaari o maaari rin naman hindi mo na sagutin
Bukod sa may bilang ang pantig at sa dulo'y may tugma
Para sa iyo, ano nga ba ang tula?